Miyerkules, Nobyembre 10, 2010

Ang Ugat ng Kahirapan

ANG UGAT NG KAHIRAPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

PAUNAWA: Bagamat ginamit na estilo sa pagsulat dito ay estilong alamat o kwentong bayan, ang mensaheng nakapaloob dito’y batay sa mga ideya ng maraming mga sosyalistang naghahangad ng pagbabago sa lipunan.

Noong ika-19 dantaon, nag-usap-usap ang mga kilalang tao sa lipunan upang talakayin kung ano ang ugat ng kahirapan. Ito’y dahil na rin sa pagkairita nila sa mga nakikitang pagala-galang pulubi at mga tambay sa lansangan, at ito’y masakit sa kanilang mga mata. Pag nalaman nila ang ugat ng kahirapan ay baka mahanapan nila ito ng lunas.

Ang sabi ng isang mayamang negosyante, ang kahirapan ay dahil sa katamaran.

Ayon naman sa isang mataas na pinuno ng isang relihiyon, naghihirap ang mga tao dahil ito ang parusa sa kanila ng Maykapal.

Ang sabi naman ng isang guro sa isang kilalang pamantasan, kaya naghihirap ang marami ay dahil sa kamangmangan.

Ayon naman sa hari, iyan na kasi ang kanilang kapalaran.

Ang sabi naman ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, populasyon ang dahilan ng kahirapan.

Ngunit lahat sila ay hindi magkasundo kung ano talaga ang ugat ng kahirapan. Kaya nagpasya silang magbuo ng komite para magsaliksik. Nagpunta sila sa iba’t ibang lupain upang hanapin at malaman ang kasagutan. Hanggang may nakapagsabi sa kanila na may isang mabuting taong nakaaalam ng ugat ng kahirapan at ano ang lunas dito. Kaya’t dagli nilang pinuntahan ang naturang tao. Paalis na ang taong iyon upang pumunta sa isang napaka-halagang pagpupulong nang kanilang maabutan at abalahin. Agad namang nagpaunlak ang taong nasabi.

Ayon sa taong iyon, hindi katamaran ang ugat ng kahirapan, pagkat maraming manggagawa sa pabrika ang napakasisipag sa kanilang trabaho at daig pa ang kalabaw sa pagkakayod pero napakababa ang natatanggap na sahod at nananatiling mahirap.

Kung ang kahirapan ay parusa ng Diyos dahil makasalanan ang tao, ibig sabihin, pinagpala pala ng Maykapal ang mga mayayaman. Ngunit may mga nagkakamal ng salapi sa masamang paraan. At may mga mayayamang nakagagawa ng kasalanan sa kanilang kapwa, pero sagana sa biyaya.

Hindi kamangmangan ang dahilan ng kahirapan pagkat maraming tao ang may kaalaman at napakamalikhain sa kanilang mga trabaho kung saan nagkakamal ng limpak-limpak na tubo ang kanilang mga pinaglilingkuran pero sila’y nananatiling mahirap.

Kung kapalaran ng tao ang maging mahirap, hindi na pala siya uunlad kahit ano pang sipag ang kanyang gawin.

Hindi populasyon ang dahilan ng kahirapan pagkat may mga bansang maliit ang populasyon pero naghihirap, samantalang may mga malalaking bansa naman na ang nananahan ay pawang nakaririwasa sa buhay.

Simple lamang kung ano ang ugat ng kahirapan, ayon sa taong nasabi. At ito’y ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, gaya ng pabrika, lupain at makina, at para mapawi ang kahirapan, kailangang pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga ito. Hangga’t hindi pantay ang hatian ng yaman sa lipunan at habang inaari lamang ng iilan ang mga pabrika, makina’t lupain, marami ang lalo pang maghihirap pagkat ang nagpapasasa lamang sa mga produktong galing sa mga pabrika at ani sa mga bukirin ay ang mga may-ari nito. Ang mga kagamitan sa produksyon ay dapat tanggalin sa kamay ng iilan upang maging pag-aari ng buong lipunan. Sa gayon, ang mga gumagawa ng yaman ng lipunan, tulad ng mga manggagawa na ang tanging pag-aari’y ang kanilang lakas-paggawa, ay hindi siyang naghihirap.

Namangha ang mga mananaliksik sa kanyang mga tinuran at hindi nila matanggap ang gayong kasagutan. Pagkatapos nilang mag-usap ay tuluyan nang naglakbay ang taong iyon upang daluhan ang isang napakahalagang pagpupulong, habang ang mga mananaliksik naman ay nagsiuwing bigo, pagkat sila na pawang mga nagmamay-ari ng mga malalawak na lupain, mga pabrika’t makina, ay hindi makakayang tanggapin na tanggalin sa kanila ang mga ito.

Samantala, ang taong kausap nila kanina ay nakikisalamuha ngayon sa mga kinatawan ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang bansa at kanyang tinalakay ang isang manipesto sa pulong na tinagurian nilang Unang Internasyunal.

nalathala sa Taliba ng Maralita, Hulyo-Setyembre 2003 at sa pahayagang Ang Sosyalista, Hulyo 2010

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento