Mula sa malikhaing panitik ng makatang aktibistang si Gregorio V. Bituin Jr., ang Prosang Pula (Red Prose) ay kanyang iniaalay sa uring manggagawa at masa ng sambayanan. Bukod sa mga mapagpalayang tula, ang Prosang Pula ang isa kanyang mga kontribusyon sa panitikang Pilipino, kundi man sa daigdigang literatura.
Huwebes, Nobyembre 11, 2010
Gobyernong Ataul
Miyerkules, Nobyembre 10, 2010
Ang Ugat ng Kahirapan
ANG UGAT NG KAHIRAPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
PAUNAWA: Bagamat ginamit na estilo sa pagsulat dito ay estilong alamat o kwentong bayan, ang mensaheng nakapaloob dito’y batay sa mga ideya ng maraming mga sosyalistang naghahangad ng pagbabago sa lipunan.
Noong ika-19 dantaon, nag-usap-usap ang mga kilalang tao sa lipunan upang talakayin kung ano ang ugat ng kahirapan. Ito’y dahil na rin sa pagkairita nila sa mga nakikitang pagala-galang pulubi at mga tambay sa lansangan, at ito’y masakit sa kanilang mga mata. Pag nalaman nila ang ugat ng kahirapan ay baka mahanapan nila ito ng lunas.
Ang sabi ng isang mayamang negosyante, ang kahirapan ay dahil sa katamaran.
Ayon naman sa isang mataas na pinuno ng isang relihiyon, naghihirap ang mga tao dahil ito ang parusa sa kanila ng Maykapal.
Ang sabi naman ng isang guro sa isang kilalang pamantasan, kaya naghihirap ang marami ay dahil sa kamangmangan.
Ayon naman sa hari, iyan na kasi ang kanilang kapalaran.
Ang sabi naman ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, populasyon ang dahilan ng kahirapan.
Ngunit lahat sila ay hindi magkasundo kung ano talaga ang ugat ng kahirapan. Kaya nagpasya silang magbuo ng komite para magsaliksik. Nagpunta sila sa iba’t ibang lupain upang hanapin at malaman ang kasagutan. Hanggang may nakapagsabi sa kanila na may isang mabuting taong nakaaalam ng ugat ng kahirapan at ano ang lunas dito. Kaya’t dagli nilang pinuntahan ang naturang tao. Paalis na ang taong iyon upang pumunta sa isang napaka-halagang pagpupulong nang kanilang maabutan at abalahin. Agad namang nagpaunlak ang taong nasabi.
Ayon sa taong iyon, hindi katamaran ang ugat ng kahirapan, pagkat maraming manggagawa sa pabrika ang napakasisipag sa kanilang trabaho at daig pa ang kalabaw sa pagkakayod pero napakababa ang natatanggap na sahod at nananatiling mahirap.
Kung ang kahirapan ay parusa ng Diyos dahil makasalanan ang tao, ibig sabihin, pinagpala pala ng Maykapal ang mga mayayaman. Ngunit may mga nagkakamal ng salapi sa masamang paraan. At may mga mayayamang nakagagawa ng kasalanan sa kanilang kapwa, pero sagana sa biyaya.
Hindi kamangmangan ang dahilan ng kahirapan pagkat maraming tao ang may kaalaman at napakamalikhain sa kanilang mga trabaho kung saan nagkakamal ng limpak-limpak na tubo ang kanilang mga pinaglilingkuran pero sila’y nananatiling mahirap.
Kung kapalaran ng tao ang maging mahirap, hindi na pala siya uunlad kahit ano pang sipag ang kanyang gawin.
Hindi populasyon ang dahilan ng kahirapan pagkat may mga bansang maliit ang populasyon pero naghihirap, samantalang may mga malalaking bansa naman na ang nananahan ay pawang nakaririwasa sa buhay.
Simple lamang kung ano ang ugat ng kahirapan, ayon sa taong nasabi. At ito’y ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, gaya ng pabrika, lupain at makina, at para mapawi ang kahirapan, kailangang pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga ito. Hangga’t hindi pantay ang hatian ng yaman sa lipunan at habang inaari lamang ng iilan ang mga pabrika, makina’t lupain, marami ang lalo pang maghihirap pagkat ang nagpapasasa lamang sa mga produktong galing sa mga pabrika at ani sa mga bukirin ay ang mga may-ari nito. Ang mga kagamitan sa produksyon ay dapat tanggalin sa kamay ng iilan upang maging pag-aari ng buong lipunan. Sa gayon, ang mga gumagawa ng yaman ng lipunan, tulad ng mga manggagawa na ang tanging pag-aari’y ang kanilang lakas-paggawa, ay hindi siyang naghihirap.
Namangha ang mga mananaliksik sa kanyang mga tinuran at hindi nila matanggap ang gayong kasagutan. Pagkatapos nilang mag-usap ay tuluyan nang naglakbay ang taong iyon upang daluhan ang isang napakahalagang pagpupulong, habang ang mga mananaliksik naman ay nagsiuwing bigo, pagkat sila na pawang mga nagmamay-ari ng mga malalawak na lupain, mga pabrika’t makina, ay hindi makakayang tanggapin na tanggalin sa kanila ang mga ito.
Samantala, ang taong kausap nila kanina ay nakikisalamuha ngayon sa mga kinatawan ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang bansa at kanyang tinalakay ang isang manipesto sa pulong na tinagurian nilang Unang Internasyunal.
nalathala sa Taliba ng Maralita, Hulyo-Setyembre 2003 at sa pahayagang Ang Sosyalista, Hulyo 2010
Martes, Nobyembre 9, 2010
Ang Anino ni Macario Sakay
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Kumukutitap ang ilaw ng lampara ng gabing yaon habang nagmumuni-muni sa kanyang pag-iisa si Dr. Dominador Gomez. Naaalala niya ang kanyang malayong nakaraan.
Sa edad 20 ay nagtungo na siya sa Madrid upang mag-aral ng medisina. Noong 1895 ay nakomisyon siya sa ranggong kapitan sa pangkat medical ng Hukbong Kastila at naglingkod sa Cuba bilang doktor. Nang bunalik siya sa Pilipinas, nakilala niya si Isabelo delos Reyes, ang tinaguriang ama ng unyonismo sa bansa. Isang magaling na orador, naging pangulo si Gomez ng Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF) nang makulong si Isabelo delos Reyes dahil sa pag-uunyon at pag-aaklas ng manggagawa.
Si Gomez ay isa ring magaling na manunulat sa wikang Kastila. Katunayan, nanalo ang sulatin niyang “Cervantes de las Filipinas” bilang pinakamagandang sanaysay sa El Mercantil. Nagsulat din siya sa Los Obreros, ang itinuturing na kauna-unahang pahayagang pangmanggagawa sa Pilipinas. Siya ang lider na nakapagmobilisa ng umano’y may 100,000 manggagawa sa harap ng Malacañang noong Araw ng Paggawa ng 1903, at doo’y kanilang isinigaw: “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”
Sumapit sa kanyang gunita na ilang taon na rin ang nakalilipas nang bitayin sina Macario Sakay at Lucio de Vega, mga rebolusyonaryo ng digmaang Pilipino-Amerikano.
Sa pamamagitan ng awtorisasyon ni Gobernador Heneral Henry C. Ide, nakipagnegosasyon si Gomez kay Sakay upang sumuko na ito sa mga Amerikano.
Sa pakikipag-usap niya kay Sakay sa kampo nito sa bundok, sinabi ni Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang nakakabalam sa pagkakamit ng kasarinlan ng bayan. Na kung susuko sina Sakay at ititigil ang pakikidigma laban sa mga Amerikano ay maitatatag ang isang pambansang asamblea na magsisilbing unang hakbang para sa pagtatayo ng sariling pamahalaang Pilipino.
Maya-maya’y nagulat si Gomez sa paglapit ng isang anino sa kanyang harapan ngunit hindi niya ito gaanong maaninaw.
“Ikaw ay isang taksil sa adhikain ng rebolusyon! Ikaw ang dahilan kung bakit kami binitay!” ang sabi ng anino.
“Macario, ginawa ko iyon dahil sa paniniwalang kayo ang dahilan kung bakit nababalam ang independensyang hinahangad natin para sa ating bayan.”
“Hindi nahihingi ang kalayaan ng bayan, ito’y ipinaglalaban. Bakit mas pinaniwalaan mo ang kagustuhan ng mga dayuhan kaysa aming iyong kababayan? Ang aming tanging hangad ay kalayaan ng ating Inang Bayan. Nang malaman nating pinasimulan ni Gat Andres Bonifacio ang pakikibaka para sa kalayaan ng bayan, kami’y agad sumapi sa Katipunan at nakipaglaban hanggang sa malaman naming siya’y pataksil na pinatay ng mismong mga kababayan at kapanalig sa himagsikan. Lumaya tayo sa mga Espanyol upang magpasakop naman sa mga Amerikano. Ipinagpatuloy namin ang laban. Itinuring kaming mga bandido ng mga mananakop na Amerikano, gayong kami’y mga rebolusyonaryong kumikilos upang mapalaya ang bayan. Ngunit dahil sa iyong matatamis na salita at pangako ay napahinuhod mo kami. Pumayag kaming wakasan ang aming paglaban sa bagong mananakop sa kondisyong ipagkakaloob sa aking mga tauhan ang pangkalahatang amnestiya, payagan kaming makapagdala ng baril at pahintulutan kami at ang aking mga tauhan na makalabas ng bansa ng tiyak ang personal na kaligtasan. Iniwan namin ang aming kuta sa Tanay, ngunit…”
“Hintay ka, Macario, ako’y tumutupad lamang sa aking tungkulin, ngunit ang mga Amerikano ang hindi tumupad sa usapan. Hindi ko akalaing nang imbitahan kayo ni Kor. Bandholtz sa isang handaan sa Cavite sa tirahan ni gobernador Van Schaik, ay isang kapitang Amerikano ang sumunggab sa iyo at dinisarmahan ka, pati na rin ang iyong mga tauhan. Wala na rin kayong laban doon dahil napapaligiran na ng mga sundalo ang bahay.”
“Sino ka ba talaga, Dominador Gomez? Magiting na lider-manggagawa o taksil na Pilipino?” ang panunumbat ng anino. “Ang paanyaya’y naging isang bitag, hanggang sa kami’y mahatulan ng kamatayan. Binitay kami ngunit lumaya ba ang bayan?”
Hindi makapagsalita si Gomez, habang patuloy niyang pinagninilayan ang kanyang nakaraan.
Halos mamatay ang apoy sa lampara dahil sa mahinang hampas ng malamig na hangin. Siya na isang batikang organisador at lider-manggagawa ang siyang dahilan ng pagkabitay ng isang rebolusyonaryo? Isa itong batik sa kanyang katauhan.
Isinulat nga noon ng bayani, manggagawa, at Supremong si Gat Andres Bonifacio, “Matakot tayo sa kasaysayan?” at ngayon, si Dr. Dominador Gomez ay nanghihilakbot. Dahil sa kanyang kagagawan ay nabitay ang isang kababayang tulad niya’y naghahangad din ng paglaya.
“Ah, sadyang malupit ang kasaysayan. Maaari pa ba itong mabago?” Nasa gayong paglilimi si Gomez nang unti-unting naglaho ang anino sa kanyang harapan, habang ang tinig nito ay umaalingawngaw sa buong kapaligiran, na kasabay ng hampas ng hangin ay tila paulit-ulit na sinasabi, “Hindi kami mga bandido. Binitay kami ngunit lumaya ba ang bayan?”
(Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 31, Marso 2007, p.7)