Miyerkules, Disyembre 25, 2024

Pambatang aklat, kayliliit ng sulat

PAMBATANG AKLAT, KAYLILIIT NG SULAT

Nakabili ako ng aklat na pambata dahil sa pamagat na "Children's Atlas: The ideal Atlas for school or home", subalit napakaliliit ng sulat, na mas maliit pa sa sulat ng nalalathalang dyaryong tabloid. Pambata ba talaga ito? Subalit iyon ang sabi sa titulo ng aklat.

Ang font sa loob ng aklat ay nasa Times New Roman 8, o kaya'y 7. Napakaliit, di ba? Ang ginagamit ko nga sa pahayagang Taliba ng Maralita ay Arial 11, Calibri 11 o Times New Roman 12, subalit naliliitan pa rin sila. Nais nilang font ay 16 upang mas mabasa raw ng malalabo ang mata.

Subalit nangangailangan pa ako ng magnifying lens kung nais ko talagang basahin ang Children's Atlas. Nabili ko ito kamakailan lang sa Book Sale ng Farmers' Plaza, sa halagang P65.00, may sukat na 5.5" x 7.5", at binubuo ng 64 pahina. Inilathala ito ng Paragon Books ng UK noong 2001.

Maganda sanang pangregalo ang Children's Atlas sa mga pamangkin at inaanak na nasa edad 7-10. Subalit dahil sa liit ng sulat nito ay nag-alangan na rin kami ni misis na ipangregalo ito at baka hindi nila basahin.

Kung Children's Atlas ito, bakit kayliliit ng font? Parang hindi talaga pambata ang pambatang aklat na ito.

isang pambatang aklat
nang agad kong binuklat
kayliliit ng sulat

ako sana'y nagalak
librong pamaskong tiyak
sa mga inaanak

Children's Atlas na ito'y
talagang detalyado
tunay kang matututo

dapat lang matyaga ka
sa iyong pagbabasa
ng kayliit na letra

at ako'y napanganga
napaisip talaga
kung babasahin nga ba

nitong mga bulinggit
ang librong kaylilinggit
ng letra kahit pilit

pambata ngunit hindi
pag di binasa'y lugi
karunungan ma'y mithi

- gregoriovbituinjr.
12.25.2024

Lunes, Disyembre 23, 2024

Ang maikling kwento sa Taliba ng Maralita

ANG MAIKLING KWENTO SA TALIBA NG MARALITA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ilan pang isyu ng Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ang hindi pa nagawa. Subalit tinatapos ko pa rin. Kahit paunti-unti. Lalo na't apatnapu't siyam na araw akong nagbantay kay misis sa ospital.

Subalit bakit dapat gawin pa rin iyon? Una, dahil sa pagtatala ng kasaysayan ng mga mahahalagang pangyayari't pagkilos na nilahukan ng KPML. Ikalawa, dahil nalalathala dito ang mahahalagang isyu ng pabahay at kahirapan, at pagsusuri sa isyu ng maralita. Ikatlo, upang may mabasa ang mga maralitang kasapi ng KPML, at maitago nila iyon bilang testamento ng kasaysayan at pakikibaka ng mga maralita. Ikaapat, dahil nalalathala rito ang panitikang maaaring iambag sa panitikang Pilipino, tulad ng mga tula at maikling kwento.

Nitong Nobyembre lang ay kumontak sa akin ang mga estudyante ng isang pamantasan sa Batangas, at ginawa nilang thesis ang tatlo kong maikling kwentong may kaugnayan sa State of the Nation Address (SONA). Ito ang mga kwentong "SONA na naman, sana naman..." (Taliba isyu, Hulyo 16-31, 2023, pahina 18-19), "Budul-Budol sa Maralita" (Taliba Pre-SONA isyu, Hulyo 1-15, 2024, pahina 18-19), at "Bigong-Bigo ang Masa" (Taliba Post-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19). Napakalaking karangalang makapanayam ako ng mga estudyanteng iyon. Ibinalita naman nila sa akin na nakapasa sila sa kanilang thesis.

Mula Setyembre hanggang ngayong Disyembre na siyang backlog ng Taliba, ito ang pinagkukunutan ko ng noo. Bukod sa mga balita ay pinag-iisipan ko kung paano ko isusulat sa maikling kwento ang mga tampok na isyu ng panahong iyon. Paghahanda ko rin bilang kwentista ang pagsusulat ng mga kwento upang balang araw ay makapagsulat ng nobela, at maisaaklat iyon, na siya kong pangarap - maging ganap na nobelista.

Dalawang beses isang buwan lumalabas ang Taliba ng Maralita. Ibig sabihin, dalawampu't apat na isyu sa isang taon. Kaya kung may apat na buwan pang backlog, may walong isyu ang dapat kong tapusin. Isasama ko ang mga kuha kong litrato sa rali, pati pahayag ng mga kapatid na organisasyon, upang hindi naman ako matulala sa dami ng trabaho. Ang pagsusulat ang tungkulin ko sa organisasyon, pagsusulat ng pahayag, at ang pagkatha ng maikling kwento at tula ang kinagigiliwan kong gawin. Subalit mga kwento at tula sa pagsusulong ng pakikibaka ng mga maralita laban sa pang-aapi't pagsasamantala ng sistemang bulok, tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao at sa kalikasan.

Pinagnilayan ko't sinulat sa tula ang mithiing ito para sa tuloy-tuloy na paglalabas ng publikasyong Taliba:

adhika ko pa ring gawin ang mga isyu
ng pahayagang Taliba ng Maralita
sulatin ang balita, kumatha ng kwento
at tula, at magsuri ng isyu ng dukha

pakikibaka ng dukha'y pag-iisipan
at ilathala ano bang kanilang layon
sapagkat bawat laban ay may kasaysayan
na dapat matala sa aming publikasyon

kolum ni Pangulong Kokoy Gan ay patnubay
sa pakikibaka ng kapwa mahihirap
habang litrato ng pagkilos ay patunay
ng adhika ng dukha't kanilang pangarap

na isang lipunang wala nang pang-aapi
at pagsasamantala, ang sila'y mahango
sa hirap, kaya tuloy ang pagbaka't rali
laban sa mga kuhila't laksang hunyango

12.23.2024

Biyernes, Disyembre 20, 2024

Ang rebulto ni Galicano C. Apacible sa Balayan, Batangas

Rebulto ni Galicano C. Apacible, manggagamot, at propagandista mula Balayan, Batangas. Kasama ni Rizal nang itatag ang El Compañerismo, lihim na samahang pulitikal na itinatag sa Maynila noong 1890s.

Halina't basahin ang nakasulat sa marker:

GALICANO C. APACIBLE
(1864-1949)

Manggagamot, propagandista, diplomatiko, mambabatas at makabayan. Ipinanganak sa Balayan, Batangas 26 Hunyo 1864. Kasama si Dr. Jose Rizal at iba pang mga mag-aaral na Filipino, itinatag sa Maynila ang El Compañerismo, isang lihim na samahang pulitikal noong 1890s. Isa sa mga nagtatag ng pahayagang propagandistang La Solidaridad noong 1889. Pangulo ng Asociacion Solidaridad Filipina sa Barcelona noong 1888 at ng Komite Sentral ng mga Filipino sa Hongkong noong 1898. Tagapayo ng Mataas na Konseho ng mga Rebolusyonaryong Filipino at kinatawan ng Republika ng Pilipinas sa Tsina, 1989-1899. Natatanging sugo sa Amerika at Europa, 1900-1901. Isa sa mga tagapagtatag ng Lapiang Nacionalista, 1906. Gobernador ng Batangas, 1908-1909; Kinatawan ng Batangas sa Asamblea ng Pilipinas, 1910-1916; Kalihim ng Pagsasaka at Likas na Yaman, 1917-1921. Yumao 22 Marso 1949.

Ang mga litrato ay kuha ng makatang gala sa Balayan, Batangas, Disyembre 19, 2024. Sumaglit muna sa Balayan upang kausapin ang aking ina. Lumuwas din ng Maynila kinagabihan.

GALICANO C. APACIBLE

kasama ni Rizal at isa ring bayani
ngalan niya'y Galicano C. Apacible
isinilang parehong taon ni Mabini
parehong Batangenyo ang dalawang are

si Apacible ay isang diplomatiko
manggagamot at propagandistang totoo
kasama ni Rizal at iba pang Filipino
ay tinatag nila ang El Compañerismo

na lihim na samahang pulitikal noon
siya'y naging pangulo ng Asociacion
sa Barcelona't Komite Sentral sa Hongkong
sa Mataas na Konseho ng Rebolusyong

Filipino at kinatawan din sa Tsina
tanging sugo rin sa Amerika't Europa
nagtatag din ng Lapiang Nacionalista
kinatawan ng Batangas sa Asamblea

ng bansa, Gobernador din ng lalawigan
Kalihim ng Pagsasaka't Likas na Yaman
tulad ni tatay, isinilang sa Balayan
si Apacible ay bayani rin ng bayan

- gregoriovbituinjr.
12.20.2024

Ang rebulto ni Mabini sa Balayan, Batangas

Rebulto ni Gat Apolinario Mabini sa Balayan, Batangas. Ang nakasulat sa marker: 

APOLINARIO MABINI y MARANAN
23 July 1864 - 13 May 1903

Isa sa mga bayani ng Pilipinas, abogado, tagapayo ng pangulo, at punong katiwala (o punong ministro) ng pamahalaan na kumatha sa mga alituntunin ng Konstitusyon ng Unang Republika ng Pilipinas. Siya ay kilala bilang "Dakilang Lumpo" o "Dakilang Paralitiko" at "Utak ng Rebolusyon."

Kuha sa Balayan, Batangas, Disyembre 19, 2024.

Sumaglit muna sa Balayan upang kausapin ang aking ina. Lumuwas din ng Maynila kinagabihan.

APOLINARIO MABINI

isa sa ating mga bayani
si Gat Apolinario Mabini
mula sa lalawigang Batangas
bayaning tanyag sa Pilipinas
siya'y tagapayo ng pangulo,
at gumampan ding punong ministro
kinatha'y mga alituntunin
ng unang Saligang Batas natin
siya'y "Dakilang Paralitiko"
tinatawag ding "Dakilang Lumpo"
kilalang "Utak ng Rebolusyon"
sa kasaysayan ng ating nasyon
kay Mabini, Mabuhay! Mabuhay!
taospuso kaming nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
12.20.2024

Biyernes, Disyembre 6, 2024

Dalawang anekdota sa pinuntahan kahapon

DALAWANG ANEKDOTA SA PINUNTAHAN KAHAPON

Dalawa ang pakay ko kahapon, ang magpapirma sa mga doktor para sa promissory note at pumunta muli sa DSWD. Kaya dalawang klaseng tao ang nakausap ko - doktor at social worker.

Kailangan kong magpapirma sa labing-apat na doktor na tumingin kay misis para sa promissory note upang makalabas ng ospital. Hindi raw kasi maaari ang promissory note pag hospital bill, na dapat daw ay bayaran ng buo. Pang-apatnapu't limang araw na namin ngayon, sabi ng mga doktor ay pwede na siya lumabas. Subalit sa billing station, hindi pa hangga't di nabubuo ang bayad.

Nakapapagpapirma ako sa unang doktor na dumalaw kay misis nang magtungo ako sa kanyang tanggapan, ikasampu ng umaga kahapon. Sa ikalawang doktor naman ay nakapagpapirma ako bandang alas-onse y medya. Nang mapirmahan niya iyon, sabi niya sa kanyang sekretarya, "Ito 'yung pasyenteng takot na takot kami dahil baka mamatay. Buti naman at naagapan."

Ikalawa, nang magtungo ako sa DSWD dahil may pinakontak ang isang staff ng partylist na DSWD staff. Agad ko naman iyong pinuntahan. 

Sa panayam sa akin ng social worker, at pagtingin niya sa mga papel lalo na sa SOA o statement of account, ang agad na komento niya, "Ang liit naman ng kaltas ng PhilHealth, dalawang libong piso nga kada buwan ang kaltas sa amin, at kayo naman abot dalawang milyong piso ang hospital bill, tapos limang libong piso lang ang kaltas." Wala akong naisagot kundi tango.

Sinabi ko sa social worker na tumingin ng papel na nakakuha na ako ng Guarantee Letter noong Lunes lang. "Buti sinabi mo. Dahil kung hindi, baka ibawas sa akin iyan.", sabi ng social worker. Dahil nabigyan na ako ng GL, ang ibinigay na lang niya sa akin ay food assistance na P10K, na nakuha ko naman bago mag-alas singko ng hapon.

Dalawang komento iyon na tumimo sa akin habang pauwi na ako sa ospital sa piling ni misis. Ang una, anang doktor, na muntik na palang ikamatay ni misis ang namumuong dugo sa kanyang bituka. Natatandaan ko ngang nagkaroon pa ng doctors' conference sa viber kasama si misis noong gabi bago siya operahan kinabukasan. Kaya pala, sinasabi ng mga doktor na rare case ang kaso ni misis. Nakatatlong test na, kasama ang bone marrow biopsy subalit di pa batid ng mga doktor ang dahilan ng blood clot. Subalit nabigyan naman si misis ng blood thinner.

At ang ikalawa nga ay yaong komento ng social worker sa PhilHealth ni misis, na nang tinanong ko si misis ay sinabi niyang totoo iyon. Social worker din si misis kaya alam din niya.

Ginawan ko ng munting tugmaan ang karanasan kong iyon.

DALAWANG ANEKDOTA SA PINUNTAHAN KAHAPON

yaong pahayag ni Dok ay nakagigimbal
muntik nang ikamatay ni misis ang sakit
todo bantay ang mga doktor sa ospital
upang tiyaking sakit ay di na umulit

pati komento ng social worker sa PhilHealth
ay sadyang tumimo sa aking kaisipan
ang bill sa ospital ay dalawang milyong higit
sa PhilHealth, limang libo lang ang kabawasan

dalawang anekdota iyong narinig ko
nang kinakausap ako ng mga iyon
at makadurog-puso kung iisipin mo
na di ako makatulog nang dahil doon

buti't maagap ang mga doktor, ginawa
ang nararapat upang bumuti si misis
na ngayon ay buhay pa't nagpapagaling nga
kaya ang paggaling niya'y walang kaparis

- gregoriovbituinjr.
12.06.2024