Miyerkules, Hunyo 19, 2019

Nilay-Aklat: Ang aklat na "HELEN KELLER"




Nilay-Aklat (BukRebyu):
Ang aklat na "HELEN KELLER"
maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakakatuwa ang nabili kong aklat. Isang inspiradong aklat na kaysarap basahin. Ito'y tungkol sa talambuhay ni Helen Keller, isang bulag ngunit isa ring sosyalista. Nabili ko ang aklat na ito sa BookEnds BookShop sa Lungsod ng Baguio nitong Hunyo 5, 2019, sa halagang P80 lamang, at may 90 pahina.

Sa maraming kwento, kilala si Helen Keller bilang bulag na nagbigay inspirasyon sa nakararami. Subalit ang hindi alam ng karamihan ay isa siyang manunulat at sosyalista sa kanyang panahon. Ayaw lang ng ibang tanggapin siya bilang isang sosyalista kundi nais lang ng marami na ikwento siya bilang isang bulag na maraming nagawa para sa mga kapwa bulag, at hindi para sa mga manggagawa.

Sa pabalat pa lang ng aklat ay pinakilala na si Helen Keller bilang "Revolutionary activist, better known for her blindness rather than her radical social vision". At sa likod na pabalat ay nakasulat: "Poor little blind girl or dangerous radical? This book challenges the sanitized image of Helen Keller, restoring her true history as a militant socialist. Here are her views on women's suffrage, her defense of the Industrial Workers of the World (IWW), her opposition to Wolrd War I and her support for imprisoned socialist and anarchist leaders, as well as her analysis of disability and class."

Sa aklat, ating silipin ang ilang pamagat ng kanyang mga nagawang artikulo. Sa Unang Bahagi na may pamagat na Disability ang Class na may limang artikulo, ang ilan ay may pamagat na "The Unemployed", "To The Strikers at Little Falls, New York", at "Comments to the House Committee on Labor". Sa Ikalawang Bahagi naman na may pamagat na Socialism na may pitong artikulo, nariyan ang mga artikulong "How I Became a Socialist", 'Why I Became an IWW (Industrial Workers of the World)?", "On Behalf of the IWW", at "Help Soviet Russia".

Ang Ikatlong Bahagi, na may pamagat na Women, at ang Ikaapat na Bahagi na may pamagat na War, ay may tiglilimang artikulo ang mga ito. Sa Ikatlong Bahagi ay nariyan ang mga artikulong "Why Men Need Women Suffrage", "The New Women's Party" at "Put Your Husband in the Kitchen", habang sa Ikaapat na Bahagi naman ay ang "Strike Against War" at "Menace of the Militarist Program". Sa kabuuan, may dalawampu't dalawang artikulong naisulat si Helen Keller na nailathala sa nasabing aklat.

Mulat sa uring manggagawa si Helen Keller. Katunayan, isinulat niya ang kanyang paninindigan upang magkaisa ang manggagawa bilang uri. Narito at sinipi ko ang halimbawa ng kanyang isinulat. Sa artikulong "What is an IWW?" mula sa pahina 37-38 ay kanyang isinulat: "The IWW's affirm as a fundamental principle that the creators of wealth are entitled to all they create. Thus they find themselves pitted against the whole profit-making system. They declare that there can be no compromise so long as the majority of the working class lives in want while the master class lives in luxury. They insist that there can be no peace until the workers organize as a class, take possession of the resources of the earth and the machinery of production and distribution and abolish the wage system. In other words, the workers in their collectivity must own and operate all the essential industrial institutions and secure to each laborer the full value of his product."

Ito naman ang malayang salin ko ng nasabing sulatin: "Pinagtitibay ng IWW ang pangunahing prinsipyo na ang mga lumilikha ng yaman ay  may karapatan sa lahat ng kanilang nilikha. Subalit nakita nila ang kanilang sariling nahaharap laban sa buong sistema ng paggawa ng tubo. Ipinahahayag nilang maaaring walang kompromiso hangga't ang karamihan sa uring manggagawa ay nabubuhay sa pagnanasa habang ang uring elitista ay nabubuhay sa luho. Iginigiit nilang walang kapayapaan hangga't magkaisa bilang uri ang mga manggagawa, ariin ang mga mapagkukunan ng lupa at ang makinarya ng produksyon at pamamahagi, at ipawalang-bisa ang sistema ng pasahod. Sa madaling salita, ang mga manggagawa sa kanilang kolektibidad ay dapat mag-ari at magpatakbo ng lahat ng mahahalagang institusyong  pang-industriya at tiyakin sa bawat manggagawa ang buong halaga ng kanyang nilikha."

Isang magandang inspirasyon ang mga artikulong isinulat ng bulag na si Helen Keller, lalo na't nais niyang magkaisa ang buong uring manggagaw at itayo ang lipunang pamamahalaan ng mga ito, ang lipunang sosyalismo. Siya ay pisikal na bulag, habang yaong mga nangangayupapa pa rin sa salot at bulok na sistemang kapitalismo'y bulag sa isip at bulag ang puso, dahil mas inuuna nila ang tutubuin ng kanilang puhunan kaysa karapatan ng tao. Marami pa rin ang bulag sa katotohanang marami ang naghihirap habang iilan ay payaman ng payaman.

Maraming salamat, kasamang Helen Keller, sa kontribusyon mo sa malawak na literatura at patuloy na pagkilos upang mamulat ang mga tao sa pagkakamit ng isang lipunang pantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao.