Miyerkules, Disyembre 25, 2019

Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio


ANG LIMANG ANAK NI GAT ANDRES BONIFACIO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang karaniwang alam natin kay Gat Andres Bonifacio ay may isa siyang anak sa kanyang asawang si Gregoria de Jesus, subalit ito'y namatay.

Subalit may apat pang anak si Gat Andres Bonifacio. Kung mayroon nga, nasaan na kaya sila? May mga apo kaya ang mga anak niyang ito na nabubuhay sa ngayon?

Bukod kay Gregoria de Jesus o Oriang, may iba pang babaeng nakaugnayan ni Andres Bonifacio, kung saan nagkaroon siya ng anak sa mga ito. Ito'y malinaw na itinala ni Jose P. Santos sa kanyang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" sa pahina 3 at pahina 5. Narito ang tala:

"Ang unang niligawan ni Andres Bonifacio ay isang babaeng nagngangalang Monika at taga-Palomar, Tondo, na ayon sa mga nakakakilala ay may katutubong kagandahan din naman. Nagkaibigan sila at nagsamang parang tunay na mag-asawa. Si Monika ay namatay sa sakit na ketong. Nagkaroon dito ng tatlong anak si Andres Bonifacio na hindi naman malaman kung buhay pa o patay na."

"Ang ikalawang kinasama at pinakasalan ni Andres Bonifacio ay nagngangalang Dorotea Tayson. Ito ay hindi rin nababanggit sa mga kasaysayan niyang nagsilabas na. Nang mamatay ito ay napakasal uli kay Gregoria de Jesus na siyang nakasama niya sa pamumundok at nakahati sa kahirapan."

"Noong 1894 o 1895, si Andres Bonifacio ay nagtungo sa Libog, Albay, kasama ang mananaysay na amerikanong si John Foreman na isa sa kanyang matalik na kaibigan at kapalagayang loob. Sinasabi ni Dr. Jose P. Bantug na siya kong pinagkakautangan ng mga ulat na ito, na si Andres Bonifacio ay nagkaroon doon ng kasintahan na nagngangalang Genoveva Bololoy at dito'y nagkaroon siya ng isang anak na babae na pinanganlang Francisca. Nang makilala ni Andres Bonifacio si Genoveva ay tumutuntong lamang ito (ang babae) sa gulang na 22 taon. Maging ang ina at ang anak ay kapuwa buhay pa, ayon kay Dr. Bantug. Si Francisca ay naninirahan ngayon sa Irosin, Sorsogon at makalawang magkaasawa, ang una'y namatay at ngayo'y muling napakasal kay Roman Balmes."

Libog ang dating pangalan ng bayan ng Santo Domingo ngayon sa Albay, na kaiba sa bayan ng Libon, sa Albay din.

Walang nabanggit sa nasabing aklat na may anak si Andres Bonifacio kay Gregoria de Jesus. Subalit sa ulat ng GMA Network, ayon umano sa historyador na si Xiao Chua, "Bukod sa kasal sa simbahan sa Binondo, nagpakasal din sina Andres at Gregoria sa ritwal ng Katipunan kung saan kinilala ang kaniyang maybahay bilang "Lakambini" ng Katipunan. Nagkaroon ng anak na lalaki sina Andres at Gregoria pero namatay din sa sakit nang bata pa."

Sa madaling sabi, lima ang naging anak ni Gat Andres Bonifacio: tatlo kay Monika, walang nabanggit na anak kay Dorotea Tayson, isa kay Genoveva Bololoy, at isa kay Gregoria de Jesus.

Mga Pinaghalawan:
aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, nalimbag noong 1935


Sabado, Disyembre 21, 2019

Paano mo tatanggaping umiral pa rin ang nakitang mali?

PAANO MO TATANGGAPING UMIRAL PA RIN ANG NAKITANG MALI?
Maikling sanaysay at saliksik ni Greg Bituin Jr.

Paano mo masasabing isinilang ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong Disyembre 18, 1986, habang sa kasaysayan niya'y sinasabing isa siya sa nangampanya at kumilos upang maitayo ang Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP) na naisabatas noong Disyembre 8, 1986, sampung araw bago itatag ang KPML?

Isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, isinabatas ang PCUP sampung araw bago isilang ang KPML. Isa ang KPML sa nangampanyang magkaroon ng PCUP? Kuha mo? Mali ang pagkakasulat ng kasaysayan, di ba?

Ang batayan ay ang petsa ng pagsasabatas ng PCUP, na nilagdaan noong Disyembre 8, 1986. Klaro iyon. Batas iyon. Isinilang ang KPML sampung araw matapos maisabatas iyon. At naisabatas na ang PCUP nang sinasabi ng KPML na isa siya sa nangampanyang maisabatas iyon, gayong may PCUP na nang siya'y isilang. Kuha mo ba? Hindi ba't may mali ang kasaysayan. Paano ka uusad kung may mali sa kasaysayan? Paano mo tatakpan ang iyong mata at ipagwalang bahala na lang ang nakita mong mali sa kasaysayan?

Maaari namang hindi na natin banggitin sa Oryentasyon ng KPML na isa tayo sa dahilan kung bakit naitatag ang PCUP. Subalit paano mabubura ang kasaysayan kung tinukoy ang KPML na nakipag-usap noon kay Pangulong Cory Aquino noong Abril 1986, at noong Disyembre 8, 1986, ay naisabatas ang panawagan nilang magkaroon ng PCUP. Nilagdaan ni Pangulong Cory Aquino ang Executive Order No. 82, sampung araw bago maitatag ang KPML.

Balikan natin ang kasaysayan. Nakasulat sa Oryentasyo ng KPML ay ganito:

"C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Against Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralita ng lunsod."

Muli, ang batayan natin ay ang pagkakatayo ng PCUP noong Disyembre 8, 1986. Basahin nating muli: "Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP)..."

Ito naman ang nakasulat sa kasaysayan ng PCUP na binabanggit ang KPML:

"Two months after the February political revolt, on April 10, 1986 the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, or KPML, had a dialogue with President Corazon C. Aquino and demanded for a moratorium on demolition, and for the establishment of the Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), a government unit that would allow avenues for the poor for consultation and participation on things that concern them.

On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor.

On December 8, 1986, President Aquino issued Executive Order No. 82 which created PCUP, mainly a coordinative and advocacy body mandated to serve as the direct link of the urban poor to the government in policy formulation and program implementation addressed to their needs”. Nakakuha ako ng dalawang pahinang dokumento ng Executive Order 82, na nag-aatas ng pagtatayo ng PCUP, na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino, na may petsang Disyembre 8, 1986.

Abril 10, 1986 pa lang ay may KPML na, ayon sa dokumento ng PCUP. Kaya paanong naging Disyembre 18, 1986 saka lang nabuo ang KPML? 

Kaya sa Oryentasyon ng KPML na nagsasabing "sa kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML sa naghain ng People's Proposal sa Malacañang. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP)..." Noong 1987 ba naitayo ang PCUP batay sa Oryentasyon ng KPML? O ang mismong EO No. 82 na nagtayo ng PCUP na may petsang Disyembre 8, 1986 ang dapat nating pagbatayan?

Kung nakita natin ang mali sa kasaysayan, papayag ba tayong magpatuloy pa ang kamalian? Paano natin matatanggap na magpatuloy ang mali? Paano tayo magbubulag-bulagan sa nakita nating mali? Iyan ang mga katanungang dapat nating masagot. Paano ba natin itatama ang kasaysayan, upang ang gabay natin sa ating pagkilos ay ang wastong kasaysayan ng ating organisasyon?

Muli, ang pinaka-katibayan natin ay ang mismong batas na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino na nilikha ang PCUP noong Disyembre 8, 1986 bago pa ang sinasabing pagkasilang ng KPML sampung araw matapos magkaroon ng PCUP?

Wala sanang problema kung di kasama ang KPML sa nangampanyang magkaroon ng PCUP. Subalit may KPML na bago pa isilang ang PCUP. Kaya paanong sampung araw matapos magkaroon ng PCUP ay saka lang itinatag ang KPML? Mali ang petsa ng kapanganakan ng KPML, kaya paano ka magpapatuloy? Paano mo masisikmurang nakita mo na ang mali ay magbubulag-bulagan na lang tayo, imbes na itama ang kasaysayan.

Pag pinagmasdan mo at sinuri ang mga datos, hindi Disyembre 18, 1986 itinatag ang KPML. Huwag tayong maging bulag. Dapat itama ang kasaysayan upang maging maayos ang gabay ng ating organisasyong KPML.

* Nalathala ang lathalaing ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2019, pahina 12-14, at inilakip ang Executive Order No. 82, series of 1986, sa pahina 15-16.

Sabado, Disyembre 14, 2019

Ang awiting "Isang Kahig, Isang Tuka"

ANG AWITING "ISANG KAHIG, ISANG TUKA"
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Inilarawan ng awiting "Isang Kahig, Isang Tuka" ni Freddie Aguilar ang buhay ng isang dukha. Halina't tunghayan natin ang awit:

Ako ay isang anak mahirap
Lagi na lang akong nagsusumikap
Ang buhay ko'y walang sigla
Puro na lang dusa
Paano na ngayon ang buhay ko

Sa akin ay walang tumatanggap
Mababa raw ang aking pinag-aralan
Grade one lang ang inabot ko
No read, no write pa ko
Paano na ngayon ang buhay ko

Koro:
Isang kahig, isang tuka
Ganyan kaming mga dukha
Isang kahig, isang tuka
Ganyan kaming mga dukha

Itinulad sa manok na isang kahig, isang tuka, ang buhay ng maralita. Gayuman, maganda ang liriko ng awit pagkat naglalarawan ng buhay. Siya'y anak-mahirap na laging nagsusumikap, subalit pulos dusa ang kanyang nararanasan. Walang tumanggap sa trabaho, dahil mababa ang pinag-aralan. Grade one lang ang inabot, gayong lagi siyang nagsusumikap. Tila patama naman ang liriko ng awiting "Doon Lang" ni Nonoy Zuñiga, nang simulan niya ang awitin sa:
"Kung natapos ko ang aking pag-aaral
Disin sana'y mayron na akong dangal..."

Siyang tunay. Sa panahong ito'y mas pinakikinggan ka pag ikaw ay may pinag-aralan, at mas pinahahalagahan ang pagkatao mo. Subalit kinikilala lang ba ang dangal kung ikaw ay may pinag-aralan? Igagalang ka lang ba dahil nakasuot ka ng barong o necktie?

Sabi nga ng isang tatay, hindi mo kasalanan ang ikaw ay maging mahirap. Kasalanan mo pag namatay kang mahirap. Kaya ang iba ay nagsusumikap makaahon sa kahirapan. Subalit hindi lahat ng mahirap ay nagnanais magbago ang buhay, tamad, palainom.

Sa totoo lang, ang kahirapan ay di lang dahil ipinanganak kang mahirap, kundi may mga nagpapahirap, may nag-aangkin ng yaman ng lipunan na dapat ay para sa lahat. Kailangan nating baguhin ang bulok na sistema ng lipunan. Maging aktibo tayo sa pagbabago ng ating kalagayan, at pagpawi ng pribadong pag-aaring dahilan ng kahirapan sa lipunan.

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2019, p. 15.

Huwebes, Disyembre 12, 2019

Ang tula ni Procopio Bonifacio

ANG TULA NI PROCOPIO BONIFACIO
Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makata rin pala ang ikatlong nakababatang kapatid ni Gat Andres Bonifacio na si Procopio, na kasama niyang napaslang sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Kapwa makata pala ang magkapatid na Bonifacio. Ayon sa pananaliksik, sampung taon ang tanda ni Andres kay Procopio, dahil 1873 ito ipinanganak, at kapwa sila namatay dahil sa pagpaslang sa kanila ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897.

May nalathalang mga sanaysay at tula si Gat Andres Bonifacio na naging pamana niya sa sambayanan. Nariyan ang mga tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", salin ng tulang "Huling Paalam" ni Dr. Jose Rizal, "Ang mga Kasadores", "Katapusang Hibik ng Pilipinas", at "Tapunan ng Lingap", at ang tula niya sa Kastilang "Mi Abanico". Nariyan din ang sanaysay niyang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" at "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan."

Subalit may tula rin palang naiwan si Procopio na tungkol din sa pagmamahal sa bayan. Isa lamang ang tulang iyon na nasaliksik, at marahil ay may iba pa subalit di pa natatagpuan. Nito lamang Disyembre 9, 2019, nang mabili ko ang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, sa Popular Bookstore sa Timog Avenue sa Lungsod Quezon. At sa pagbabasa niyon sa bahay ay nakita ko ang pagbanggit ni Santos sa tula ni Procopio. Sa pahina 18 ng nasabing aklat ay ganito ang nakasulat:

"Isang tula ni Procopio, kapatid ng Supremo, ang iniwan ni Andres Bonifacio kay Ginang Espiridiona, kapatid na babae ng Supremo, bago siya lumabas sa gubat, at ngayo'y sisipiin ko ng walang labis at walang kulang:"

   "Oh Inang Espanya, humihinging tawad
kaming Pilipino na iyong inanak,
panahon ay dumating na magkatiwatiwalag
sa di mo pagtupad, masamang paglingap.

   Paalam na akong Espanyang pinopoon,
kaming Pilipino humihiwalay na ngayon
ang bandera namin dulo ng talibong
ipakikilala sa lahat ng nasyon.

   Lakad, aba tayo, titigisa ang hirap
tunguhin ang bundok, kaluwangan ng gubat
gamitin ang gulok at sampu ng sibat
ipagtanggol ngayon Inang Pilipinas.

   Paalam na ako, bayang tinubuan
bayang masagana sa init ng araw
oh maligayang araw na nakasisilaw
kaloob ng Diyos at Poong Maykapal."

"Ang mga huling talata ng tulang ito na ngayon lamang mahahayag ay nahahawig sa mga huling talata ng huling paalam ni Dr. Jose Rizal. Ang tulang ito ay buong-buong nasasaulo ni Ginang Espiridiona na siyang nagkaloob sa akin ng salin. Itinutugma nila ito sa isang namomodang tugtugin nang panahong iyon, kaya't ang pagkakatula'y hindi husto ang mga pantig o silaba."

Linggo, Oktubre 27, 2019

Ang "Ako ang Daigdig" ni Alejandro G. Abadilla at ang "Tayo ang Daigdig" ng U.S.A. for Africa


ANG "AKO ANG DAIGDIG" NI ALEJANDRO G. ABADILLA AT ANG "TAYO ANG DAIGDIG" NG U.S.A. FOR AFRICA
Maikling sanaysay at salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Oktubre 19-20, 2019 ay nagkaroon ng palihan o workshop upang mabuo ang isang cultural network sa loob ng kilusang pangkarapatang pantao.

May mga mang-aawit, makata, manunulat, mananayaw, at aktibistang dumalo. Nariyan ang mga kasapi ng Teatrong Bayan, Teatro Pabrika, at Teatro Proletaryo. Nariyan ang mga gitarista. Karamihan ay mga kasapi ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) at In Defense of Human Rights and Dignity Movement (IDefend), kung saan sila rin ang nag-inponsor ng nasabing aktibidad.

Binuo ang apat na pangkat ng palihan para sa apat na napiling paksa. Sa ikalawang araw ay pagpaplano, at napag-usapan ditong gumawa ako ng salin ng We Are The World. Iminungkahi ito ni Ate Evelyn ng Teatro Pabrika. Gagamitin daw ito sa araw ng karapatang pantao sa Disyembre 10, 2019.

Dahil dito, inumpisahan kong isalin ang awiting We Are The World o Tayo ang Daigdig. Naalala ko tuloy ang tula ng sikat na makatang nag-umpisa ng modermismo sa panulaan sa Pilipinas, si Alejandro G. Abadilla. dahil sumikat noon ang kanyang tulang AKO ANG DAIGDIG (sa Ingles ay I Am The World) noong kanyang kapanahunan.

Halina't basahin ang tulang "Ako ang Daigdig" ni AGA.

AKO ANG DAIGDIG

ako

ang daigdig

ako

ang tula

ako

ang daigdig

ang tula

ng daigdig

ako

ang walang maliw na ako

ang walang kamatayang ako

ang tula ng daigdig

Sa tulang ito sumikat ang pangalan ni Abadilla nang sinulat niya ito noong 1940 na nalathala sa magasing Liwayway, at kasama sa nalathala niyang aklat noong 1955. Noong una'y tinanggihan ng mga kritiko ang nasabing tula dahil hindi ito sumusunod sa tradisyonal na tula na gumagamit ng sukat at tugma. Ayon sa isang lathalain, "Maituturing ang tulang “Akó ang Daigdíg” bilang pinakatanyag na likha ni Alejandro G. Abadilla, na siyáng kinikilálang “Ama ng Makabagong Panulaang Tagalog.” Una itong nalathala sa Liwayway noong 1940. Kabilang ito sa unang aklat ng mga tula ni Abadilla, ang Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1955)."

Ang awiting "We Are The World" (na isinalin kong "Tayo ang Daigdig") ay isang awiting nilikha noong Enero 28, 1985 at sama-samang kinanta ng mga kilalang mang-aawit sa Estados Unidos, na karamihan ay itim. Ginawa nila ito bilang tugon sa matinding taggutom sa Africa. Tinawag ng mga mang-aawit ang kanilang sarili na USA for Africa (United Support of Artists for Africa). Ang "We Are The World: The Story Behind the Song" ay isang dokumentaryong tinalakay kung paano isinulat ang kanta, kung paano hinikayat ng prodyuser na si Quincy Jones at mga manunulat na sina Michael Jackson at Lionel Richie ang ilan sa mga pinakasikat na mang-aawit sa Amerika na ibigay ang kanilang serbisyo para sa proyekto.

Kasama sa mga nagsiwawit sina Ray Charles, Bruce Springsteen, Tina Turner, Bob Dylan, Stevie Wonder, Billy Joel, Willie Nelson, Paul Simon, Bette Midler, Diana Ross, at marami pa. Umano'y nasa sampung milyong kopya ng awit ang naibenta sa buong mundo.

Kaya nang sabihan ako sa cultural workshop sa karapatang pantao na isalin ang We Are The World ay agad kong tinanggap. Isang malaking karangalan sa akin na ako ang pinagtiwalaang magsalin nito sa wikang Filipino.

Narito naman ang aking salin ng We Are The World:

TAYO ANG DAIGDIG
ng United Support of Artist for Africa
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Darating ang panahong tutugon tayo sa tiyak na panawagan
Upang ang sangkatauhan ay magsama-sama bilang isa
May mga taong namamatay
At panahon nang akayin sila sa buhay
Na pinakadakilang handog sa lahat.

Hindi tayo maaaring magpanggap araw-araw
Na sinuman, saanman, ay may pagbabagong magaganap
Tayo'y bahagi ng malaking pamilya ni Bathala
At ang katotohanan, alam mo ba
Tanging pag-ibig ang ating kailangan

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Puso mo'y ipadala sa kanila upang batid nilang may nagmamalasakit
At nang buhay nila'y mas lumakas at maging malaya
Tulad ng pinakita ng Diyos sa atin na bato'y ginawang tinapay
kaya tulong nating lahat ay ialay.

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Pag dama mo'y pagkasawi't wala na
Na tila wala nang pag-asa
Ngunit kung maniniwala ka lang
Walang dahilang bumagsak tayo
Kaya nga 
Mababatid nating darating ang pagbabago
Kung sama-sama tayong titindig bilang isa

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Kung si AGA ay may "Ako ang Daigdig" na sikat niyang tula, ang "We Are The World" naman ay sikat na awitin sa buong mundo. Subalit ang bersyon nito sa wikang Filipino ay aawitin pa ng cultural network na nabuo, at sana'y maibidyo ito, mapanood, at maiparinig sa higit na nakararami, dahil sa mensaheng taglay nito. At nawa'y matuloy ang pag-awit nito sa pagkilos sa darating na ika-72 anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Pinaghalawan:
https://genius.com/Usa-for-africa-we-are-the-world-lyrics
https://en.wikipedia.org/wiki/We_Are_the_World
https://en.wikipedia.org/wiki/Alejandro_G._Abadilla
https://philippineculturaleducation.com.ph/aklatang-bayan-2/

Martes, Hulyo 23, 2019

Maralita at Kontraktwalisasyon

MARALITA AT KONTRAKTWALISASYON
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Pabor ba sa maralita ang kontraktwalisasyon dahil kahit papaano'y nakakasingit siya ng trabaho kahit 5-months, 5-months lang? Hindi naman magkalayo ang bituka ng manggagawa at maralita upang gustuhin ng maralita ang maging kontraktwal kaysa naman walang trabaho. Nais ba ng maralita ng mumo kaysa walang makain? Bituka ba at hindi karapatan kaya nais niyang maging kontraktwal? Sawa na siya sa 555 na sardinas, ngayon ay nais niyang magtrabaho ng 5-5-5 months bilang kontraktwal.

Maraming benepisyo at katiyakan sa trabaho (security of tenure) ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal. Na hindi rin tatamasahin ng maralitang naging manggagawang kontraktwal.

At ang maralitang kontraktwal ay magiging manggagawa na rin. At hindi niya maiiwasang mamulat bilang manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, at sa kalaunan ay maunawaan niya ang katumpakan ng makauring pagkakaisa at harapin ang mga hamon ng kasaysayan. Hanggang sa matanto ng maralitang kontraktwal na hindi lamang dahil sa kagustuhang magkatrabaho ay magbibingi-bingihan na siya sa karaingan  ng  kanyang  mga kapwa manggagawa.

Nanaisin tiyak ng maralitang naging kontraktwal na ipaglaban din, hindi lamang ang ilalaman ng kanyang tiyan, kundi ang karapatan nila bilang manggagawa.

Matatransporma sa kalaunan ang kamalayan ng maralitang kontraktwal upang yakapin niya ang kanyang uring pinagmulan - ang uring walang pag-aari kundi ang kanyang lakas-paggawa - ang uring manggagawa. 

Kaya hindi lamang pabahay at laman ng tiyan ang nasa kanyang isipan kundi ang karapatan niya sa loob ng pagawaan ay maipaglaban, at ang kanyang dignidad bilang tao (hindi makina) ay kanyang maipagtanggol at mapanghawakan.

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Espesyal SONA issue, Hulyo 2019, p. 6

Biyernes, Hulyo 19, 2019

Pampublikong pabahay: Kinonsepto para sa mga manggagawa

PAMPUBLIKONG PABAHAY
Kinonsepto para sa mga manggagawa
Sinaliksik ni Greg Bituin Jr.

Sa pananaliksik, maraming pampublikong pabahay ang kinonsepto para sa mga manggagawa. Tulad na lang sa Inglatera, nang dumami ang mamamayan sa lungsod nang maganap ang Rebolusyong Industriyal noong ika-19 na siglo. Ilang halimbawa nito ay nang magtayo ng barangay o nayon ang ilang may-ari ng pabrika para sa kanilang manggagawa, tulad sa Saltaire noong 1853 at Port Sunlight noong 1888.

Noong 1885 nang magkaroon ng interes sa pagtatayo ng pampublikong pabahay ang Royal Commission sa Inglatera. Idinulot nito ang pagkapasa ng batas na Housing of the Working Class Act of 1885. Binigyang kapangyarihan ng batas na iyon ang mga Local Government Boards upang isara ang mga gusaling may mga sira na at hinikayat silang mas paunlarin pa ang pabahay sa kani-kanilang lugar.

Sa bansang Espanya, mayroon naman silang proyektong pampubliko at kolektibong pabahay kung saan tiniyak nila ang kahalagahan nito sa loob mismo ng kanilang pamantasan sa arkitektura. Dahil dito'y lumikha sila ng ispesyalisadong kurso tulad ng MCH Master in Collective Housing.

Sa bansang Mexico, nagtayo ng proyektong pabahay para sa mga manggagawa sa pabrika ng papel, at ito'y nasa Barrio ng Loreto sa San Angel, Alvaro Obregon, D. F.

Sa Finland, ang unang proyektong pampublikong pabahay ay sa Helsinki. Noong 1909, dinisenyo ni arkitekto A. Nyberg ang apat na bahay na gawa sa kahoy para sa mga manggagawa sa lungsod. Dahil karamihan ng mga residente  roon  ay  mga pamilya  ng  manggagawang may maraming anak. Ang pabahay at pamumuhay ng mga pamilyang manggagawa sa Helsinki mula 1909 hanggang 1985 ay itinanghal sa museo malapit sa Linnanmäki amusement park. 

Nang manalo sa halalan ang Social Democratic Party ng Austria para sa Viennese Gemeinderat (city parliament), nagkaroon ng tinatawag nilang Red Vienna. Bahagi ng kanilang programa ang probisyon ng disenteng pabahay para sa Viennese working class kung saan narito ang bulto ng mga sumuporta sa kanila. Ang Karl-Marx-Hof ay isa sa mga kilalang pampublikong pabahay sa Vienna, na matatagpuan sa Heiligenstadt, isang distrito ng ika-19 na distrito ng Vienna, Döbling.

Sa Denmark, ang pampublikong pabahay ay tinatawag na Almennyttigt Boligbyggeri na inaari at pinamamahalaan ng tinatayang 700 organisasyong demokratiko at nagsasarili. Karamihan sa mga samahang ito ay mauugat sa kasaysayan ng mga labor union sa Denmark, at sa ngayon ay bumubuo sa nasa 20% ng total housing stock na may 7,500 departamento sa buong bansa.

Sa layuning gawing isang "multilaterally developed socialist society" ang Romania, simula 1974, isang sistematikong demolisyon at  rekonstruksyon ng mga nayon, bayan at lungsod ang isinagawa. Noong 2012, may 2.7 milyong apartment na naitayo, na nasa 37% ng kabuuang pabahay sa Romania at sa halos 70% sa mga lungsod at bayan.

Sa New Zealand naman ay naisabatas ang Workers' Dwellings Act of 1905 na nagresulta upang magtayo ng 646 pabahay. Noon namang 1937, ang Unang Labor Government sa New Zealand ay naglunsad ng isang mayor na sistemang pampublikong pabahay para sa mamamayan nilang hindi kayang mangupahan.

Ang Danish Public Housing ay walang restriksyon sa kinikita ng mga nakatira. Subalit sa pagdaan ng panahon, nagkaroon ng regulasyon ang pamahalaan na pumapabor sa mga nakatirang may trabaho at hindi pinapaboran yaong mga walang trabaho o kahit yaong may part-time na trabaho. Kaya nagkaroon sila ng problemang ghettofication, o yaong mga iskwater kung ikukumpara sa atin. Ang pagsasapribado ng pampublikong pabahay ay isinulong bilang bahagi ng programang ideolohikal ng makakanang panig ng pamahalaan at inilunsad matapos isara ang Ministry of Housing Affairs noong 2001.

Marami pang halimbawa ng pampublikong pabahay na maaaring halawan natin ng mga aral. Ang pampublikong pabahay ay isang anyo ng pabahay na inaari at pinamamahalaan ng isang gobyerno, sentral man ito o lokal.

Miyerkules, Hunyo 19, 2019

Nilay-Aklat: Ang aklat na "HELEN KELLER"




Nilay-Aklat (BukRebyu):
Ang aklat na "HELEN KELLER"
maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakakatuwa ang nabili kong aklat. Isang inspiradong aklat na kaysarap basahin. Ito'y tungkol sa talambuhay ni Helen Keller, isang bulag ngunit isa ring sosyalista. Nabili ko ang aklat na ito sa BookEnds BookShop sa Lungsod ng Baguio nitong Hunyo 5, 2019, sa halagang P80 lamang, at may 90 pahina.

Sa maraming kwento, kilala si Helen Keller bilang bulag na nagbigay inspirasyon sa nakararami. Subalit ang hindi alam ng karamihan ay isa siyang manunulat at sosyalista sa kanyang panahon. Ayaw lang ng ibang tanggapin siya bilang isang sosyalista kundi nais lang ng marami na ikwento siya bilang isang bulag na maraming nagawa para sa mga kapwa bulag, at hindi para sa mga manggagawa.

Sa pabalat pa lang ng aklat ay pinakilala na si Helen Keller bilang "Revolutionary activist, better known for her blindness rather than her radical social vision". At sa likod na pabalat ay nakasulat: "Poor little blind girl or dangerous radical? This book challenges the sanitized image of Helen Keller, restoring her true history as a militant socialist. Here are her views on women's suffrage, her defense of the Industrial Workers of the World (IWW), her opposition to Wolrd War I and her support for imprisoned socialist and anarchist leaders, as well as her analysis of disability and class."

Sa aklat, ating silipin ang ilang pamagat ng kanyang mga nagawang artikulo. Sa Unang Bahagi na may pamagat na Disability ang Class na may limang artikulo, ang ilan ay may pamagat na "The Unemployed", "To The Strikers at Little Falls, New York", at "Comments to the House Committee on Labor". Sa Ikalawang Bahagi naman na may pamagat na Socialism na may pitong artikulo, nariyan ang mga artikulong "How I Became a Socialist", 'Why I Became an IWW (Industrial Workers of the World)?", "On Behalf of the IWW", at "Help Soviet Russia".

Ang Ikatlong Bahagi, na may pamagat na Women, at ang Ikaapat na Bahagi na may pamagat na War, ay may tiglilimang artikulo ang mga ito. Sa Ikatlong Bahagi ay nariyan ang mga artikulong "Why Men Need Women Suffrage", "The New Women's Party" at "Put Your Husband in the Kitchen", habang sa Ikaapat na Bahagi naman ay ang "Strike Against War" at "Menace of the Militarist Program". Sa kabuuan, may dalawampu't dalawang artikulong naisulat si Helen Keller na nailathala sa nasabing aklat.

Mulat sa uring manggagawa si Helen Keller. Katunayan, isinulat niya ang kanyang paninindigan upang magkaisa ang manggagawa bilang uri. Narito at sinipi ko ang halimbawa ng kanyang isinulat. Sa artikulong "What is an IWW?" mula sa pahina 37-38 ay kanyang isinulat: "The IWW's affirm as a fundamental principle that the creators of wealth are entitled to all they create. Thus they find themselves pitted against the whole profit-making system. They declare that there can be no compromise so long as the majority of the working class lives in want while the master class lives in luxury. They insist that there can be no peace until the workers organize as a class, take possession of the resources of the earth and the machinery of production and distribution and abolish the wage system. In other words, the workers in their collectivity must own and operate all the essential industrial institutions and secure to each laborer the full value of his product."

Ito naman ang malayang salin ko ng nasabing sulatin: "Pinagtitibay ng IWW ang pangunahing prinsipyo na ang mga lumilikha ng yaman ay  may karapatan sa lahat ng kanilang nilikha. Subalit nakita nila ang kanilang sariling nahaharap laban sa buong sistema ng paggawa ng tubo. Ipinahahayag nilang maaaring walang kompromiso hangga't ang karamihan sa uring manggagawa ay nabubuhay sa pagnanasa habang ang uring elitista ay nabubuhay sa luho. Iginigiit nilang walang kapayapaan hangga't magkaisa bilang uri ang mga manggagawa, ariin ang mga mapagkukunan ng lupa at ang makinarya ng produksyon at pamamahagi, at ipawalang-bisa ang sistema ng pasahod. Sa madaling salita, ang mga manggagawa sa kanilang kolektibidad ay dapat mag-ari at magpatakbo ng lahat ng mahahalagang institusyong  pang-industriya at tiyakin sa bawat manggagawa ang buong halaga ng kanyang nilikha."

Isang magandang inspirasyon ang mga artikulong isinulat ng bulag na si Helen Keller, lalo na't nais niyang magkaisa ang buong uring manggagaw at itayo ang lipunang pamamahalaan ng mga ito, ang lipunang sosyalismo. Siya ay pisikal na bulag, habang yaong mga nangangayupapa pa rin sa salot at bulok na sistemang kapitalismo'y bulag sa isip at bulag ang puso, dahil mas inuuna nila ang tutubuin ng kanilang puhunan kaysa karapatan ng tao. Marami pa rin ang bulag sa katotohanang marami ang naghihirap habang iilan ay payaman ng payaman.

Maraming salamat, kasamang Helen Keller, sa kontribusyon mo sa malawak na literatura at patuloy na pagkilos upang mamulat ang mga tao sa pagkakamit ng isang lipunang pantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao. 

Lunes, Abril 29, 2019

Kwento - Mungkahi sa mga SK bilang mga susunod na lider ng bansa


MUNGKAHI SA MGA SK BILANG MGA SUSUNOD NA LIDER NG BANSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tila natatandaan kong sinabi noon ni Guingona na dapat mawala ang Sangguniang Kabataan o SK, kung hindi ako nagkakamali. Sinabi nga niya noon na ang mga kabataang tinedyer pa lamang ay hindi pa angkop upang maghawak ng mga responsibilidad sa pananalapi, lalo na’t may badyet na ibinibigay sa kanila.” Ani Igme sa isang huntahan dahil ang kanyang anak na si Isidro ay nais tumakbo sa SK bilang opisyal.

Dagdag naman ni Inggo, na kanyang kumpare, “Aba’y may balita nga noong nais hilingin ni Elections Commissioner Lucenito Tagle sa Kongreso na i-abolish ang SK dahil ito ay naging lunsaran ng mga political dynasty  at katiwalian.”

“Alam n’yo po ba na noong Agosto 2016 ay naisabatas na po ang bagong batas hinggil sa SK, ang Republic Act 10472, hinggil sa reporma sa SK, tulad ng hindi dapat galing sa pamilya ng pulitiko ang mga tumatakbo sa SK. Nangyayari po kasi noon, pag tatay ay meyor, ang nanay ay kongresista, ang anak naman po ay nasa SK. Binasa ko po ang batas na iyon dahil tatakbo ako sa SK.” Sabat ni Isidro na katabi ng ama.

Sumabat si Iska, na siyang natitinda sa karinderyang kinauupuan ng mga nag-uusap. “Palagay ko, hindi kasi alam ng mga senador at kongresista noon anong tamang gawin sa mga batang nais maglingkod sa bayan. Tingin nila’y mga batang pulitiko ang mga SK.”

Si Igor naman na kanina pa nakikinig ay nagsalita rin. “Ayaw kasi ng mga pulitikong iyan na matuto ang mga batang pulitiko na maging matino. Dapat binibigyan sila ng mga pag-aaral sa batang edad pa lang nila, pag naging SK na sila, hinggil sa papel ng mga kabataan sa mga nangyayari sa ating paligid. Pag naupo na sila sa SK, dapat bigyan agad sila ng mga pag-aaral, tulad ng Basic First Aid training upang makatulong na agad sila sa pamayanan, ipaunawa sa kanila ano ba ang karapatang pantao, pagsasanay hinggil sa disaster risk reduction, kung sakaling may pandemya muli o mga sakuna, tulad ng lindol at baha. Ano ang climate crisis, climate emergency, at anong dapat nating gawin? Higit sa lahat ay ang kolektibong pamumuno, iba ang lider sa boss, at ang code of conduct of public officials, upang hindi sila maging corrupt, lalo na’t may badyet ang mga kabataan para sa iba’t ibang aktibidad.”

“Iyan pa ang sinasabi ko,” ani Ines, “pulos basketball at paliga lang ang alam namin sa SK. Aba’y dapat talagang matuto sila sa isyu ng karapatang pantao sa maagang edad pa lang, upang di sila nambu-bully ng ibang kabataan. Para kasing breeding ground ng korapsyon ang SK.”

Sumagot si Igor, “Kaya nga marapat lang na mabigyan sila ng matitinong kasanayan bilang mga batang lider sa komunidad. Nang hindi sila maging korap. Sa maagang edad ay maging huwaran na sila bilang mga batang nagsisilbi ng tapat sa bayan. Di lang iyan simpleng training kundi ilalagay sa batas bilang rekisitos sa unang linggo ng pag-upo ng mga bagong SK.”

Natuwa naman si Isidro, “Tama si Tito Igor. Kung ako nga lang ay senador, isa iyan sa agad kong ipapasang batas para sa SK. Kaya lang bata pa ako. Sa SK muna ako tatakbo.”

“Dagdag ko pa,” ani Igor, “Kung sakaling makatapos ng Basic First Aid training ang isang SK, at makapasa, dapat bigyan sila ng ID ng DOH bilang first aider. Dagdag ko rin ‘yung paano ang iskedyuling ng training upang ang iba’t ibang SK sa iba’t ibang barangay ay sabay-sabay na makakuha ng pagsasanay.” At sinulat niya sa manila paper kung paano.

“Maganda iyang panukala mo, Igor,” ani Igme, “subalit paano natin matitiyak kung gagawin iyan ng pamahalaan kung nandito lang tayo sa ating barangay. Dapat maikampanya natin iyan upang maging batas.”

“Dapat po siguro ay lumapit tayo sa isang senador o kongresista ng ating bayan upang isabatas ang ganyang panukala.” Sabi ni Isidro.

“Bata ka pa, Isidro, subalit matalino ka na.” Ani Ines, “Sana nga’y manalo ka bilang SK sa susunod na SK election.”

“Salamat po. Paano po tayo magsisimula upang ‘yung mungkahi ni Tito Igor ay matupad?” Si Isidro muli.

Sumabat si Igme, “Mas maganda’y isulat mo, Igor, ang iyong mungkahi. At kausapin din natin ang ating kapitan. Matapos iyon ay lumiham tayo sa isang Senador. Ano sa tingin ninyo?”

“Sang-ayon kami.” Sabi ng mga naroroon.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 16-30, 2019, pahina 18-19.

Linggo, Abril 14, 2019

Ang papel ng papeles

ANG PAPEL NG PAPELES
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa isang hearing na aking nadaluhan minsan hinggil sa kaso ng isang lider-maralita, dumating ang mga arresting officers at may dalang warrant of arrest laban sa lider-maralitang napagbintangan. Ipinakita ng mga arresting officers ang warrant sa clerk of court bilang patunay na may arrest warrant ang nasabing lider-maralita. Sinuri ng clerk of court ang warrant, ngunit hindi inaresto ang akusado. Bakit? Nakita ng clerk of court na kumpleto ang detalye ng search warrant – nakalagay ang pangalan ng akusado, ang kaso, ang judge na pumirma, atbp. Ngunit xerox lamang ang arrest warrant, kaya sinabihan niya ang mga arresting officers na dapat ay certified true copy ang arrest warrant bago hulihin ang tao. Dahil dito, ang nasabing lider maralita ay hindi dinakip.

Sa kalakaran ng ating mundo ngayon, malaking bahagi ay papeles. Ang papeles ay anumang uri ng dokumento na nagpapatunay sa isa o maraming transaksyon o usapan. Ang mga halimbawa nito’y resibo, subpoena, sedula, lisensya, sertipiko, atbp.

Pagkapanganak pa lang, nariyan na ang birth certificate, isang papeles na nagpapatunay kung ano ang pangalan ng bata, kung saan at kelan siya ipinanganak, at sino ang tunay niyang mga magulang.

Meron ding certificate para sa binyag, kumpil, pagtatapos ng bata sa kinder, diploma, Nariyan din ang death certificate para sa mga namatay. Sa pangingibang-bansa ay naririyan ang visa at passport. Anupa’t umiinog ang ating mundo sa tambak na papeles. Sa madaling salita, dapat na may katunayan tayo ng anumang pagkakakilanlan o transaksyon upang hindi tayo maagrabyado sa anumang labanan.

Malaking bahagi ng laban ng maralita ay nakasalalay sa papeles. Sa usapin ng paninirahan, nariyan ang titulo ng lupa, resibo ng bilihan, notice for demolition, entry pass sa relocation site, atbp. Marami ang natatakot, napapalayas, o kung minsan ay namamatay, dahil sa kawalan ng papeles, at kung meron man ay pagmamaniobra naman ng malakas sa mahihina pagdating sa papeles. Halimbawa, sa Barrio Kangkong, marami ang natakot nang nakarinig na may dumating na sulat na nag-aatas umano ng demolisyon sa isang takdang panahon, gayong hindi muna ito nabasa at nasuri. Gayong ang nakasulat ay hindi demolisyon, kundi humihingi muna ng negosasyon ang may-ari, o kaya’y imbes na Barrio Kangkong ang idedemolis ay Barrio Kalabasa pala ang nakasulat, nagkamali lang ng pinadalhan. Noong 1997 sa Sitio Mendez, may demolition order na galing umano kay Mayor Mathay, pero nang suriin ang papeles, hindi iyon pirma ni Mathay at wala siyang inorder na demolisyon

Huwag tayong matakot magsuri ng papeles, dahil kadalasan buhay at kamatayan ang dulot nito ay di pa natin alam. Totoo ba ang Transfer Certificate of Title (TCT) na nasa kamay ng nagpapalayas sa inyo? Nasaliksik at nasuri nyo bang ang papeles ng nagpapalayas sa inyo ay mula sa Original Certificate of Title (OCT) hanggang sa nagpalipat-lipat na TCT? Dapat mabasa muna at masuri ng maigi ang buong papeles bago mag-panic. Para sigurado, puntahan at magsaliksik sa mga opisinang sangkot.

Hindi dapat matakot, malito, o magpanic ang sinuman, kapag nakatanggap ng anumang papeles. Ang dapat nating gawin ay suriin ito, pag-usapan ng nasasangkot, at iberipika sa kinauukulang ahensya kung gaano ito katotoo. Dahil kung hindi, baka mga manlolokong sindikato sa palupa ang magpalayas sa inyo, o kaya’y magbenta sa inyo ng lupa. Kaya ingat.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, p.8-9

Kwento - Si Balagtas, ang Wikang Filipino at ang Buwan ng Panitikan

SI BALAGTAS, ANG WIKANG FILIPINO AT ANG BUWAN NG PANITIKAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagsidalo ang ilang lider-maralita nang maimbitahan sila sa isang talakayan sa mismong araw ng kapanganakan ng Sisne ng Panginay na si Francisco Balagtas, may-akda ng walang kamatayang Florante at Laura, at ng Orozman at Zafira. Ang tema ng talakayan ay “Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?” na pambungad sa pagbubukas ng Buwan ng Panitikan.

Tinalakay muna ng tagapagpadaloy na si Isko kung bakit ang Abril ay naging Buwan ng Panitikan. Ani Isko, “Ang Buwan ng Panitikan ay itinapat sa buwan ng kaarawan ni Balagtas at isinabatas noong 2015 ang  Proklamasyon Bilang 968. Ngayong taon naman, isinasagawa ang Buwan ng Panitikan 2019 sa temang Buklugan Panitikan, halaw mula sa buklog, isang ritwal ng pagbubuklod at pasasalamat ng mga Subanen. Ang buklog din ay isang estrukturang kawayan, malimit na umaabot ng 20 talampakan ang taas, may sahig na parang entablado, at ginagamit na sayawan at lundagan ng mga tao kapag may pagdiriwang.”

“Ah, kaya pala ganyan ang entablado, isa pala iyang buklog.” Ani Isay sa kasama niyang si Ingrid.

Si Isko uli, “Simulan natin ang ating palatuntunan sa katanungang Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?”

Isa sa mga tagapagsalita ay si Mang Igme, na isang lider-maralita sa Pandacan. Ayon sa kanya, “Hindi bakya ang ating wika. Hindi porke mga inglesero ang nasa pamahalaan, eh, hindi na sila gumagamit ng ating wikang pambansa. Minamaliit ba ng mga ingleserong Pinoy na ito ang wika natin at tinatawag na bakya? Aba’y hindi na sila Pinoy kundi mga banyaga na. Aba’y umalis na sila sa pamahalaan! Hindi naman natin sila kailangan kung ganyan sila at minamaliit nila ang sarili nating wika!”

Sumabat si Igor, isang lider-maralita sa Sampaloc, Maynila, “Nilait na ng matagal na panahon ang ating wika kaya sinasabi nila itong bakya. Gamit lang daw ito ng mga katulong sa mansyon ng mga mayayaman, na pawang Ingles, kundi man Espanyol, ang sinasalita. Ako nga noon, sa elementarya, may parusa ka pag nag-Tagalog ka sa klase. Hindi lang parusa, kundi magbabayad ka ng piso. Aba’y malaking halaga na iyan noon. Nangyayari pa ba ito ngayon?”

Nagtaas ng kamay si Iska, “Danas ko rin iyan noon. Pagmumultahin ka ng guro pag nagsalita ka ng Tagalog sa iskul. Hay, naku!”

Si Igme muli, “Subalit karamihan sa atin dito ay maralita. Maralitang tinuturing na bakya ng mga nasa poder. Dukhang ang tanging alam lang ay sariling wika. Dapat makakumbinsi tayo ng mga mayaman o maykaya sa lipunan na nagsasalita ng wika ng madla, o kaya’y kongresista o senador na magpapasa ng batas na igalang ang ating wika.”

Sumabat si Ines, isang lider-kababaihan sa Quiapo, “Tandaan natin ang isang nakasaad sa Kartilya ng Katipunan, na natatandaan ko pa:  Sabi roon, ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika.”

Napatango naman ang ilan sa sinabi ni Ines.

Nagtaas ng kamay si Inggo, mula sa isang maralitang pamayanan sa Tondo. Tinawag naman siya ni Isko. Ani Inggo, “Huwag nating sisihin ang mga inglesero dahil ipinakita lang nila ang asal nilang tunay sa atin. Huwag natin silang pag-aksayahan ng panahon. Ang mahalaga ngayon ay kung paano pa natin lilinangin at pauunlarin ang ating wikang pambansa. Ang mungkahi ko nga ay bigyang parangal natin ang mga tagapagtanggol ng ating wika, bukod kay dating Pangulong Manuel Quezon. Nariyan ang dating gurong si Teodoro Asedillo, at ang makatang si Jose Corazon de Jesus, na nakipaglaban sa mga Amerikano sa usapin ng wikang pambansa. Sila’y mga bayani ng ating wika.”

“Kayganda ng sinabi ni Inggo. Subalit paano iyan gagawin?” Ani Isko. “Ang mabuti pa’y lumiham tayo sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na dapat ay may mga bayani tayo sa sariling wika na titingalain natin, na ipinagtanggol nila noon ang ating wikang pambansa sa harap ng mga dayuhan. Kumausap na rin tayo ng mga kongresista at senador na maaaring magpasa ng batas hinggil dito.”

“Sinong magsusulat at lalagda.” Tanong ni Ines.

“Gagawin natin ang burador at lahat tayong narito ang pipirma.” Ani Isko. “Ayos ba sa inyo?” Nagtanguan naman ang mga lider-maralita.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, pahina 18-19.

Biyernes, Marso 29, 2019

Kwento - Mga Pagpaslang at Tokhang

MGA PAGPASLANG AT TOKHANG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halos libo-libo na ang napatay sa Gera Kontra Droga na inilunsad ni PRRD mula pa noong 2016, ayon sa tantya ng ilang grupo sa karapatang pantao. Napag-usapan na rin ito sa komunidad ng mag-asawang Igme at Isay. Kaya ang anak nilang sina Ingrid at Isko ay ayaw na nilang nagpapabot ng gabi sa lansangan.

Naalala pa nila ang isang taludtod sa awiting Tatsulok ng Buklod. “Totoy, makinig ka, wag kang magpagabi. Baka mapagkamalan ka't humandusay diyan sa tabi". Ito pa: “Totoy, tumalon ka, dumapa kung kailangan, at baka tamaan ka ng mga balang ligaw". At ang matindi: “Hangga't marami ang lugmok sa kahirapan, at ang hustisya ay para lang sa mayaman".

“Napakarami ring namatay na batang wala pang muwang sa Gera Kontra Droga.” Ani Igme, “Nariyan ang mga batang sina Danica Mae Garcia, 5 taong gulang, at Althea Berbon, 4 na taong gulang, ay napatay. Makatwiran ba iyan, na pati mga bata’y napapatay. At ang katwiran pa nila, collateral damage lang sila.?” 

Bandang dapithapon na iyon. Hanggang maya-maya pa ay dumating na ang kanilang dalawang anak bago magdilim.

Nakilala ko rin ang isa sa mga nanay ng biktima ng EJK o extra-judicial killings. Ayon sa kanya, mabait ang kanyang anak na pinaslang ng umano’y kapulisan sa hinalang ito’y nagdodroga.

Ayon kay Aling Ines, ang kanyang anak na si Isidro ay trese anyos pa lang at masipag mag-aral. Subalit nagulat na lang siyang binaril ng mga pulis ang kanyang anak nang lumabas ito ng bahay upang bumili ng mantika sa kalapit na tindahan. Hanggang ngayon ay naghihimagsik ang kanyang kalooban sa sinapit ng anak.

Anang barangay tanod na si Mang Isko sa akin nang siya’y aking makapanayam, “Dahil iyan sa Oplan Tokhang, na umano’y pangunahing programa ng pangulo sa kanyang gera kontra droga, kung saan ang  oplan ay “plano”, tokhang ay salitang Bisaya sa pagkatok sa pinto, at ang hangyo na ibig sabihin ay pakiusap. Subalit madalas ang nangyayari ay tokbang, o toktok, bangbang. Kakatok muna saka binabaril ang kanilang puntiryang durugista.”

Ani Igme, “Kaya ang gerang iyan, sa katunayan, ay War on the Poor din talaga, dahil wala namang napapatay na malalaking isda, kundi pulos maralita. Nakagagalit talaga. Tunay nga ang sinabi roon sa awiting Tatsulok, at ang hustisya ay para lang sa mayayaman. Para lang silang pumapatay ng mga daga o manok. Tsk. Tsk.”

Sumabat si Isay, “Kaya tama lamang na lumahok kami sa malaking rali noong Pebrero 20, na ginugunita ang World Social Justice Day o Pandaigdigang Araw ng Katarungang Panlipunan, upang manawagan ng hustisya sa mga pinaslang ng walang awa, at pinagbintangan pang mga nanlaban umano kaya pinaslang. Gayong ayon sa kanilang nanay ay wala namang baril ang kanilang anak kaya paano manlalaban.”

“Magkakaroon po muli ng pagkilos laban sa tokhang at panawagang hustisya para sa mga biktima ng palpak na Gera Kontra Droga. Sa totoo lang, ang isyu ng droga ay isyu ng kalusugan, na dapat tugunan ng pamahalaan, hindi sa pamamagitan ng pagpaslang sa pasyente, kundi sa paggamot sa kanila.” Ito naman ang sabi ni Igor na kasapi ng isang grupo hinggil sa karapatang pantao. “Sa Biyernes po ng hapon ang pagkilos, Black Friday Protest po ito, na panawagan natin ay hustisya at managot ang mga berdugo. Bukod pa sa di dumaan sa due process ang kanilang ginawa.”

“Sasama muli kami, kahit di kami namatayan ng anak, ay kakilala namin ang mga namatayan naming kapitbahay.” Ani Igme.

“Sasama rin kami riyan,” ani Ines. “Katarungan sa lahat ng mga namatay at namatayan.”

Sumapit ang araw ng Biyernes, nagtalumpati si Igor, “Ang pagkilos na ito’y tuloy-tuloy na pagkondena natin sa walang awang pagpaslang sa mga walang kalaban-labang maralita. Kung may ginawa silang masama, dpaat ay ibatay sa wastong proseso. Hulihin, litisin, at ikulong. Hindi ang basta na lang patayin ng mga berdugong kapulisan dahil sa utos ng diyos nilang pangulo. Sa ngayon, tinatawagan ko si Aling Ines, na isa sa mga namatayan ng anak.”

Tumayo sa harap at nanginginig na hinawakan ni Aling Ines ang megaphone. “Katarungan sa anak kong si Isidro. Napakabata pa niya at may mga pangarap sa buhay, subalit pinatay siya ng walang awa. Sana’y managot ang mga pumaslang sa kanya, pati na ang berdugong pangulong nag-utos ng pagpaslang!” Nanggagalaiting sigaw ni Aling Ines.

Si Aling Iska naman ang tinawag, “Si Iking, na bunso kong anak ay napatay rin habang naglalaro sa labas ng aming bahay. Wala naman siyang kinalaman sa droga. Sampung taon lang siya.”

Bago matapos ang rali, luyom ang kamaong sabay-sabay silang sumigaw ng “HUSTISYA!” “Parusahan at ikulong ang mga berdugo!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2019, pahina 14-15.

Huwebes, Marso 14, 2019

Kwento - Ang 105-Day Expanded Maternity Leave


ANG 105-DAY EXPANDED MATERNITY LEAVE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naikwento ni Isay na naisabatas na rin sa wakas ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law o Batas Republika Blg. 11210 na nilagdaan ng pangulo nitong Pebrero 20. Napag-usapan nila ito nina Ingrid, Ines, at Iska sa karinderya ni Aling Inday isang Sabado ng hapon.

“Alam n'yo ba,” sabi ni Isay, “mula animnapung araw ay sandaan at limang araw na ang maternity leave nating manggagawang kababaihan.”

“Totoo ba 'yan?” Tanong agad ni Ingrid.

“Eto, o, basahin n'yo sa dyaryo. Pirmado na ang Republic Act 12210 na nagpalaki ng araw ng maternity leave.”

“Aba, ayos iyan, ah. Apatnapu't limang araw ang nadagdag.” Sambit naman ni Iska.

“Ano pang laman niyan. Pabasa nga.” Si Ines.

“Ito, basahin mo nang malakas, ha? Para dinig namin.” Iniabot ni Isay kay Ines ang pahayagan.

“Sige, basahin ko ng malakas.” Ani Ines. “Sinasaklaw ng batas na ito ang mga babaeng manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor, kabilang ang mga nasa impormal na ekonomiya, at binibigyan sila ng karapatan sa 105 araw na maternity leave na babayaran batay sa 100 porsiyento ng kanilang arawang kita. Ang batas ay nagbibigay din ng karagdagang 15 araw na may bayad na bakasyon kung ang babaeng manggagawa ay kuwalipikado bilang solo parent sa ilalim ng Solo Parent Welfare Act of 2000, na may opsyong palawigin ng karagdagang 30 araw na walang bayad. Ayos pala ito sa tulad kong solo parent.""

“Ano pa?” Tanong ni Ingrid.

“Ito. Tinataasan ng batas ang benepisyo sa araw-araw na maternity leave mula sa unang 60 araw para sa normal na panganganak, o 72 araw para sa caesarian delivery, sa 105 araw, anuman ang uri ng panganganak. Pag nakunan naman, ang karapatan ay 60 araw ng bayad na maternity leave. Ang batas ay higit pang nagpapalawak ng maternity leave sa bawat pagkakataon ng pagbubuntis, anuman ang dalas, mula sa nakaraang limitasyon ng unang apat na panganganak o nakunan.”

Napasimangot si Inday sa pinag-uusapan at siya’y sumabat. “Ang batas palang iyan ay para sa lang sa mga sumasahod. Paano naman kaming mga maralitang hindi nakaempleyo kundi kumikita lang sa sariling kayod, tulad nitong karinderya ko. Wala naman kaming leave.”

“Iyan, Inday, ang hindi nakalagay dito,” ani Isay. “Baka may ibang batas talaga para sa maralita kaugnay nito. Iyan po ang saliksikin natin.”

“Sabagay, Inday” ani Iska, “pag nanganak naman ang tulad nating maralita, may maternity leave din tayo, hindi nga lang tulad nila, magli-leave sila sa pinapasukang trabaho nang may bayad kasi nga empleyado sila. ‘Yung atin naman bilang vendor o simpleng dumidiskarte, tulad nitong karinderya mo, anumang oras, maaari tayong mag-leave sa pagtitinda. Wala lang bayad tulad nila.” 

“At wala ring batas tulad niyan,” ani Isay.

“Teka, naiiba na ang usapan.” Ani Ingrid, “buntis ako, nais kong malaman paano ba ako makikinabang diyan sa aming kumpanya.”

“Meron dito,” ani Ines, “Eto. Basahin ko. Upang maging karapat-dapat sa nabanggit na mga benepisyo sa maternity leave, ang isang buntis na babaeng manggagawa sa pribadong sektor ay dapat na (i) magbayad ng hindi bababa sa 3 buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang  panganganak, o kung nakunan, o natapos na ang pagbubuntis; at (ii) abisuhan ang kanyang employer tungkol sa kanyang pagbubuntis at ang posibleng petsa ng kanyang panganganak. Ito pa ang malupit. Ang mga employer na hindi susunod sa mga probisyon ng batas ay magmumulta nang hindi bababa sa 20,000 piso o higit sa 200,000 piso at/o pagkakulong ng hindi bababa sa 6 na taon at 1 araw o higit sa 12 taon, gayundin ang hindi pag-renew ng mga business permit.”

Napabuntong-hininga si Ingrid sabay hipo sa tiyan. “Mabuti na rin iyan, kahit paano mula animnapung araw ay nadagdagan ng apatnapu’t limang araw. Kahit paano, mabuti upang makabalik ang katawan ko sa dati, at mas malusog. At makapagtrabaho muli”

“Ito pa,” ani Ines, “Iba pa ang solo parent sa may-asawa, kasi nakalagay dito, ang isang babaeng manggagawa na may karapatan sa maternity leave ay maaaring maglaan ng hanggang pitong araw ng bayad na bakasyon sa ama ng bata, bilang karagdagan sa mga benepisyong ipinagkaloob sa kanya sa ilalim ng Paternity Leave Act of 1996, kung naaangkop, kasal man siya o hindi sa babaeng manggagawa.”

“Aplikable pala iyan sa amin ng asawa ko,” Ani Ingrid, “di tulad mo na solo parent. May ibang batas pa para sa iyo.”

“Oo nga, eh. Buti nga, may Solo Parent Act na.” Ani Ines.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 1-15, 2019, pahina 14-15.

Miyerkules, Pebrero 27, 2019

Kwento - Ang mga marginalized o sagigilid

ANG MGA MARGINALIZED O SAGIGILID
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasaliksik ni Ipe, na kasama ni Inggo sa samahang maralita, na may salitang sagigilid nang nabasa niyang muli ang kasaysayan ng ating bansa noong bago dumating ang mga Kastila. Mayroon palang dalawang uri ng alipin - ang aliping namamahay at ang aliping sagigilid.

“Alam mo, Inggo, may katumbas na pala noon pa ang salitang marginalized, tulad sa marginalized sector, sa ating sariling wika. Ito ang sagigilid. Mula sa margin o gilid, ang marginalized ay sagigilid.” Ani Ipe.

“Aba’y ganoon ba, Ipe,” ani Inggo, “ayos iyan upang magamit muli, lalo na’t nakikita nating tila nababoy na ang partylist system. Pinasok na ng mga hindi naman galing sa marginalized sector ang partylist system. Tulad ni Miko Arro na first nominee ng Guardia partylist ngunit hindi naman gwardya, kundi artista. May isa pang mayaman na first nominee ng party list ng Magbabalut. Aba’y talagang nawala na sa tunay na diwa ang party list system, na imbes mula sa hanay talaga ng mga mahihirap at maliliit  ay mula pa  sa mga trapong pulitiko.”

“Ibig sabhin niyan, Inggo” ani Ipe, “halos nawala na talaga ang esensya ng labindalawang saray o sektor ng sagigilid sa partylist. Buti na lang may partylist pa na kumakatawan sa mga magsasaka,  kabataan, manggagawa, kababaihan, at iba pang aping saray ng lipunan. Ang tanong na lang, maipapanalo ba sila?”

Malayo-layo roon si Igme habang nakaupo sa karinderya ni Aling Isay, subalit dinig niya ang pinag-uusapan. Maya-maya’y sumabat siya, “Iyung tinatawag n’yong sagigilid ay marginalized pala. Alam n’yo ba, na inaral ko rin iyan noon, kaya lang mga alipin sila. May tinatawag ngang aliping namamahay at aliping sagigilid.”

“Kung natatandaan mo,” ani Inggo, “pakipaliwanag muli.”

Kaya agad nagpaliwanag si Igme, “Ayon sa pagkakatanda ko, ang aliping namamahay ay yaong karaniwang taong nakatira sa kanilang sariling bahay, na maaaring magkaroon ng ari-arian ngunit hindi lupa, at may karapatang magpakasal at magpamana ng mga ari-arian sa kanilang mga anak. Kabaligtaran naman nito ang aliping sagigilid sapagkat sila ang pinakamababang uri ng aliping nakatira sa bahay ng amo, walang ari-arian o kalayaan, maaaring ipagbili, at hindi makakapag-asawa nang walang pahintulot, di gaya ng isang modernong alipin o kasambahay.”

“Salamat sa paliwanag mo,” ani Ipe, “Ganyan din naman ang mga modernong sagigilid. Walang ari-arian, kundi lakas-paggawa, na kanilang ibinebenta kapalit ng sahod. Sila ang nagbebenta ngunit ang bumibili pa ang nagtatakda ng presyo. Di ito gaya sa palengke na ang nagbebenta ang nagtatakda ng presyo, hindi ang bumibili.”

Nagpatuloy si Igme, “Kahit nga iyong salitang timawa, ngayon ay kawawa. Subalit noon, ang timawa ay yaong mga hindi alipin, kundi mga taong malaya. Ibig sabihin lang, umuunlad at nag-iiba-iba ang mga salita. Tulad ng margin sa papel, iyon ang gilid. Kaya ang marginalized na mula sa margin, iyon ang sagigilid na salitang mula sa gilid. Kaya nga, dapat na ating gamitin ang salitang sagigilid bilang katumbas ng marginalized, at hindi mardyinalisado, na parang itlog na malasado. Para rin iyang salitang iskwater na ngayon ay ginawang ISF o informal settler families.”

Sumagot si Inggo, “Maganda ang paliwanag mo. Subalit paano natin iyan maipapalaganap, lalo na’t pinag-uusapan natin iyang partylist system? Ang mungkahi ko, gamitin natin ang ating panulat. Maglabas tayo ng aklat ng mga sanaysay, puna, kwento at tula, na maaari nating pamagatang ‘Ang mga kasalukuyang sagigilid: Ang partylist system sa ating panahon.’ Ano sa palagay n’yo?”

“Ayos ka ring mag-isip, ah. Bagamat may katagalan iyan, aba’y atin nang simulan. Ang kakayahan ko’y magsulat ng polyeto, kaya isusulat ko na iyan.” Ani Ipe, “Ikaw naman, magaling kang tumula. Itula mo na. Si Igme naman ang pag-upak sa binaboy na partylist system, na maaari niyang isulat sa mga letter-to-the-editor. Subukan din nating sumulat sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) upang magamit din nila ang luma ngunit taal na salita natin sa marginalized.”

“Okay,” sabi ni Igme, “Sisimulan ko na ang ating paninindigan laban sa pagbaboy ng burgesya sa partylist at paggamit natin ng sagigilid bilang tiyak na salin ng marginalized. Gumagabi na. Maraming salamat.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pebrero 16-28, 2019, pahina 14-15.