Mahirap ding mangarap. Lalo't kaylayong abutin ang alapaap. Hanggang tanaw lamang ang kayang gawin. Ngunit minsan, pangarap ay dapat abutin.
At hindi lamang alapaap, kundi abutin ang langit na pangarap.
Hindi ko nais maglibot ng daigdig upang magpasarap. Kundi abutin ang kapwa tao para sa isang pangarap na lipunang makatao. Lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Lipunang ang lahat ay nagbibigayan. Lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang nagdulot ng samutsaring kahirapan, karukhaan, karalitaan, at kawalang katarungan sa maraming bansa. Lipunang hindi sira ang kalikasan. Lipunang pangangalagaan ng bawat isa ang kapaligiran.
Mahirap mangarap, ngunit lakasan lang ng loob upang maabot ang inaasam na lipunan. Kumilos laban sa bulok na sistema. Kumilos upang palakasin ang pagkakaisa ng masa. Kumilos upang magkaisa ang buong uring manggagawa.
Hindi masama ang mangarap. Ang masama ay hindi ka na mangangarap. At bahala na bukas. Ayaw ko ng gayon.
- gregbituinjr.