Miyerkules, Agosto 6, 2014

Si Karl Marx, Makata

SI KARL MARX, MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kilalang manunulat si Karl Marx, ngunit hindi bilang isang makata. Subalit marami siyang nalikhang tula noong kanyang kabataan. Nasa mahigit limampung tula ang kanyang nalikha. Nakahiligan niya noon ang pagtula. Katunayan, may koleksyon siya ng mga tulang alay niya sa kanyang ama, at may mga koleksyon din siya ng tula para kay Jenny von Westphalen na kanyang napangasawa.

Sa website na marxists.org, nakatala doon ang kanyang mga tula, sa ilalim ng pamagat na "Karl Marx's Early Literary Experiments; A Book of Verse (Ang Unang Eksperimento ni Karl Marx sa Panitikan: Isang Aklat ng mga Tula)" na nalathala ng Abril 27, 1837. Naglalaman ito ng mga tula at ilang sanaysay. Ito'y nakalathala rin sa Marx Engels Collected Works, Tomo 1, na unang inilathala sa Gesamtausgabe, Abt. 1, Hb. 2, 1929. Muli itong inilathala noong 1975 ng International Publishers. Inalay niya ang koleksyon niyang ito sa kaarawan ng kanyang pinakamamahal na ama. Mula sa orihinal na wikang Aleman, ang mga tula ni Marx ay isinalin sa wikang Ingles ni Clemens Dutt, at tinipa ni S. Ryan upang mailagay sa internet.

Bata pa lang siya’y nakahiligan na niya ang pagtula, na kinakailangan ng ibang uri ng kasanayan. At ang kasanayan niyang ito’y animo’y isang paghahanda sa malapanitikang hagod ng kanyang pagsulat sa kalaunan. Mahalagang talakay ito kung paano siya umunlad sa kanyang pagsusulat. Nariyan ang pagsulat niya at ng kanyang kaibigang si Friedrich Engels ng bantog na Manipesto ng Komunista na itinuturing ng marami na isa sa pinakamagandang manipestong naisulat sa kasaysayan ng daigdig. Ibig sabihin, iba ang pamamaraan at hagod ng pagkakasulat ng manipesto na nakahalina sa milyon-milyong tao sa mundo.

Mapapansing kayhahaba ng mga tula ni Karl Marx. At may kaalaman siya sa sukat at tugma. Kapansin-pansin ang istruktura ng kanyang mga tula, lalo na ang bilang ng saknong, ngunit hindi madaling mapansin ang tugma sa tula, dahil marahil nasa wikang Ingles at nahirapan ang tagasalin, na maaaring hindi makata, sa paghahanap ng angkop na salitang tutugma sa mga taludturan ng tula. Iba-iba rin ang sukat ng pantig bawat taludtod, dahil nga isinalin na sa Ingles.

Ang batayan lang natin para masipat na may alam sa tugma at sukat si Karl Marx ay ang bilang ng taludtod sa bawat saknong, na karaniwan ay apatan. Sa wikang Aleman marahil ay bilang na bilang niya ang pantig bawat taludtod at marahil ay may tugmaang ang padron ay maaaring aaaa, o kaya’y abab, o kaya’y abba, atbp.

Karaniwang ang istruktura ng kanyang mga tulang isinalin sa wikang Ingles ay binubuo ng apat na taludtod bawat saknong, at inaabot ng pitong saknong pataas ang mahahaba niyang tula. Nariyan, halimbawa, ang mga tulang "The Fiddler" at "Nocturnal Love" na may tigpipitong saknong. May tig-aanim na taludtod bawat saknong naman ang mga tulang "Creation (Nilalang)" na may anim na saknong, at ang maikling "Poetry (Tula)" ay may tatlong saknong lamang.

Pawang mga soneto naman ang kanyang inalay na tula kay Jenny. Ang soneto ay mga tulang may labing-apat na taludtod. At marami siyang tula kay Jenny na  iisa lang ang pamagat: “Kay Jenny”. Kaya iba’t ibang bersyon ng tulang ito ang ating mababasa.

Napakarami rin niyang ginawang ballad o naratibong tula na nilikha upang kantahin. Nariyan ang mga tulang The Magic Harp, Siren Song, The Little Old Man of the Water, The Madwoman, Flower King, Lucinda, Two Singers Accompanying Themselves on the Harp, Distraught, The Pale Maiden, The Fiddler, at The Abduction.

May nobela rin siya, na pinamagatang "Scorpion and Felix (Ang Alakdan at si Felix)". Tila nakita na rin niya ang hinaharap nang isulat niya ang tulang "The Man in the Moon (Ang Tao sa Buwan)". May dalawa rin siyang nilikhang dithyramb, o mga tulang inaawit ng may limampung katao. Ang dalawang dithyramb na ito'y pinamagatang "Night Thoughts (Mga Pagninilay sa Gabi)" at "Dream Vision (Pananaw sa Panaginip)".

Isa namang malalim na pagninilay ang sanaysay na sa gulang niyang labingpito ay kanyang isinulat – ang sanaysay na "Reflections of a young man on the choice of a profession", na inakda niya sa  pagitan ng Agosto 10 at 16, 1835.

Sa Mayo 5, 2018 ang ikalawangdaang (200) taon ng kanyang kaarawan. At magandang handog sa kanyang bisentenaryo ang paglalathalang muli ng kanyang mga tula. Sa araw na ito'y magandang mailathala ang salin ng kanyang mga tula sa wikang Filipino na ilulunsad bilang aklat. Inako ko na ang pagsasalin ng mga ito. Isang blog ang aking nilikha – ang http://mgatulanikarlmarx.blogspot.com/ – upang  dito tipunin ang salin ng mga tula ni Karl Marx sa wikang Filipino. Dito'y pinagsikapan kong isalin at ilapat sa tulang may tugma't sukat ang kanyang mga tula, bagamat may mga malayang taludturan din.

Namnamin natin ang ilang mahahalagang tula ni Karl Marx na nasa wikang Filipino, at ang tula kong alay sa kanya bilang pagpupugay sa kanyang pagiging makata.


ANG PAGGISING
ni Karl Marx, circa 1837
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

I
Pag nagkapatlang ang kumikislap mong mata
Nabibighani't nanginginig,
Tulad ng pagala-galang kwerdas ng musika
Na dinidibdib, na naiidlip,
Nakatali sa mga kudyapi,
Hanggang sa pamamagitan ng belo
Ng pinakabanal na gabi,
Pagkatapos mula sa itaas kuminang
Ang walang hanggang bituin
Nang buong pusong pagmamahal.

II

Nanginginig, napasubsob ka
Habang hinihingal
Natatanaw mo ang di matapos
Na walang hanggang daigdig
Sa itaas mo, sa ibaba mo,
Hindi matamo, walang katapusan,
Lumulutang sa sayaw - serye
Ng di mapakaling kawalang-hanggan;
Isang atomo, nahulog ka
Sa pamamagitan ng Uniberso.

III

Ang paggising mo’y
Walang katapusang pagbangon,
Ang pagbangon mo’y
Walang katapusang pagbagsak.

IV

Kapag ang nagsasayaw na apoy
Ng iyong kaluluwa'y sumalakay
Sa sarili nitong kailaliman,
Pabalik sa dibdib,
May lumilitaw na walang hanggang
Pinasisigla ng kaluluwa
Tinatanganan ng matamis – namamagang
Mahiwagang himig,
Ang lihim ng kaluluwa'y
Bumabangon mula sa kasamaang
Di nito maarok.

V

Ang pagkasubsob mo’y
Walang katapusang pagbangon.
Ang walang katapusan mong pagbangon
Ay may nanginginig na labi
Ang namula sa Aeterong
Nagliliyab, walang hanggang
Pagsintang halik ng ulo ng Bathala.


TULA
ni Karl Marx, circa 1837
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Apoy yaong mula kay Bathala’y minsang sumalin
Na sa akin ay dumaloy mula sa iyong dibdib
Naglalaban habang lumilipad sa papawirin
At akin silang inalagaan sa aking dibdib
Anyo mo’y pinakitang ala-Aeolus ang lahid
Inawat yaong liyab ng may pakpak na Pag-ibig.

May nakita akong kinang at narinig na tunog
Tinangay ng malayo pasulong ang mga langit
Bumulusok sa taas at sa ibaba’y lumubog
Lumulubog upang mas mataas itong sumirit
At, nang panloob na tunggali’y tuluyang madurog
Namalas ko ang dalamhati’t ligaya sa awit.

Namugad ng mahigpit sa mga anyong malumay
Ang diwa’y tinindig ng itinanikalang gaway
Mula sa akin ang mga larawan ay naglayag
Pataas dahil sa iyong pagsintang nagliliyab
Paa ng Pagsinta’y minsang pinalaya ng diwa
Na kuminang muli sa kalooban ng Naglalang.


KAY JENNY
ni Karl Marx, Nobyembre 1836
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Jenny! Walang biro, ikaw ay kinakailangan
Kung bakit ang awit kong "Kay Jenny"'y para sa iyo
Na sa iyo lang pulso ko'y kaybilis nang pumintig
Na mga awit ko lang sa iyo'y walang pag-asa
Na ikaw lang ang nagpapasigla ng puso nila
Na bawat pantig ng pangalan mo'y nagpahayag
Na maindayog mong pinahiram ang bawat nota
Na walang hiningang maligaw mula sa Diyosa?
Pagkat napakatamis dinggin ng iyong pangalan
At sa aki'y napakatindi ng indayog niyon
Napakabuo, tumataginting ang tunog niyon
Ang kapara'y masiglang diwa sa may kalayuan
Ang kapara'y ang saliw ng gintong kwerdas ng lira
Tulad ng ilang kagilagilalas na pag-iral


SI KARL MARX, MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

makata rin si Karl Marx, oo, makata rin siya
noong kanyang kabataan, pagtula'y hilig niya
may koleksyon ng tulang inalay sa kanyang ama
may tula rin kay Jenny na kanyang napangasawa

maindayog ang kanyang mga hikbi't talinghaga
ang nasasaloob niya'y matatanaw sa akda
sadyang may kaalaman siya sa sukat at tugma
na masisipat sa pagkaayos ng bawat tula

paglikha ng soneto'y tunay niyang kabisado
na karaniwang alay niya sa sintang totoo
may mga tulang inaawit ng limampung tao
may nobela ring marahil kinagiliwang todo

pagtula niya sapul magbinata'y paghahanda
upang kanyang panitik ay malinang sa pagkatha
ng mga sulating alay niya sa manggagawa
hanggang siya'y tanghaling tunay na henyo't dakila